
Ni NOEL ABUEL
Walang dahilan ang Commission on Higher Education (CHED) na suspendehin ang pagtanggap ng aplikasyon para sa scholarship ng mga freshman students.
Ito ang iginiit ni Kabataan party list Rep. Sara Elago kung saan mayroong P125M ang CHED para sa Student Financial Assistance Program na dinagdagan ng Kongreso para sa mga mga college freshmen.
“Actually, ang item for Student Financial Assistance Program ay tumaas ng P125M sa 2022 national budget kaya we see no reason for CHED to temporarily suspend application of incoming freshie students sa college freshie programs. Pero sinusuportahan natin ang panawagan na taasan ang budget para sa higher education kasi ganu’n kalaki ang pangangailangan di lang for students pero for faculty members,” paliwanag ni Elago.
Idinagdag pa nito na hindi naaayon ang nais ng CHED sa kasalukuyang sitwasyon na maraming mahihirap ang nawalan ng trabaho dahil sa epekto ng COVID-19 virus.
“Panahon pa ito ng krisis. Marami rin walang trabaho at nagtataasan din ang tuition and other school fees. Kaya napakalaking ginahawa ng kahit anong tipo ng tulong para sa ating mga estudyante. Nilaban natin na wag kaltasan ang pondo ng scholarship, kaya nang nalaman naming ito nag-aalala tayo kung saan lalapit ang kabataan at estudyante na nangangailangan ng dagdag tulong para makapagpatuloy sa pag-aaral?” pag-uuisa pa ni Elago.
Nanghihinayang din aniya nito na hindi inaprubahan ng administrasyon ang P10K student aid at pagkakaloob ng gadgets sa mga estudyante.
“Sinisingil natin sa Duterte administration ang misprioritized budget sa pandemya at kapabayaan sa krisis pangkalusugan at edukasyon. May mga panukala rin tayo sa Kongreso na di rin binigyan prayoridad tulad ng 10k student aid, pagbibigay ng gadgets, at higit sa lahat ang paggulong ng safe school reopening kasi di katulad ng dati, ngayon doble-doble ang gastusin ng pamilya dahil sa blended learning,” aniya pa.
Idinagdag pa ni Elago na maghahain ito ng panukala sa Kongreso para tutulan ang nais ng CHED na suspendehin ang pagkakaloob ng scholarships sa mga papasok na estudyante sa kolehiyo.
“Kami po ay magpa-file ng panukalang resolusyon upang unang-una tutulan ang temporary suspension ng application ng scholarships. Kaya tinatawagan natin ang Kongreso na kung maaari at dapat lang ay magpasa ng supplementary budget for higher education and sa over-all education sector para sa muling ligtas na pagbubukas ng eskwela at pagbibigay ng ayuda sa estudyante at affected faculty. Gayundin ay magre-align ng pondo mula sa malalaki pa rin na tikect items tulad ng infrastructure, at sa pondo ng mga tingin natin pwede i-suspend para mabigay ang daglian or urgent needs ng mga estudyante,” panawagan pa ni Elago sa mga kapwa nito mambabatas.
