Pangulong Duterte nalulungkot sa pagtatapos ng termino—Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

NI NOEL ABUEL

Aminado si Senador Christopher “Bong” Go na ngayon pa lamang ay nalulungkot na si Pangulong Rodrigo Duterte sa nalalapit na pagtatapos ng termino nito dahil sa marami pa umano itong nais na gawin para sa mga Filipino.

“Alam kong nalulungkot ang Pangulo dahil marami pa sana siyang gustong gawin. Para sa akin, napakaganda ng legacy na maiiwan niya. Ang tanging hinangad niya at ng kanyang administrasyon ay mailagay ang Pilipinas sa mas magandang kalagayan ngayon at sa hinaharap kumpara sa nakalipas,” ayon kay Go.

Sa kabila nito ipinangako ni Go na ipagpapatuloy nito ang pagseserbisyo sa taumbayan kahit wala na sa posisyon si Pangulong Duterte lalo na sa panahon ng krisis sa bansa.

 “Hindi tayo titigil sa pagseserbisyo upang masigurong walang maiiiwan sa muling pagbangon ng ating bansa mula sa mga krisis na ating hinaharap. Magtulungan at magbayanihan tayo para maipagpatuloy pa ang mga magagandang nasimulan ng ating mahal na Pangulong Duterte!” ayon pa sa senador.

Apela naman ni Go sa susunod na administrasyon na sana ay ipagpatuloy ang programang sinimulan ni Pangulong Duterte para mapabuti ang buhay ng mga Filipino.

Kabilang aniya dito ang Malasakit Centers program na nakatulong sa mahigit sa tatlong milyong mahihirap na Filipino sa buong bansa simula nang ilunsad ito noong 2018.

“Natutuwa ako dahil nakaabot na ang Malasakit Center sa pinakadulo ng ating bansa. Nitong Marso 1 ay binuksan na ang ika-150 na Malasakit Center sa Batanes General Hospital sa Basco. Ito ang kauna-unahang center sa probinsya ng Batanes,” ayon pa sa senador.

“Sinundan ito ng pagbubukas ng ika-151 Malasakit Center sa Quirino Provincial Medical Center… Kaya kahit anuman ang mangyari sa pulitika lalo na’t papalapit na ang eleksyon, sana ay maipagpatuloy at mabigyan ng kaukulang suporta ang mga programang katulad ng Malasakit Centers na nakakatulong sa mga mahihirap lalo na ‘yung mga walang matatakbuhan,” dagdag pa nito.

Leave a comment