
Ni NERIO AGUAS
Kalaboso ang tatlong illegal aliens na pawang mga Indian nationals sa magkakahiwalay na operasyon ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Davao City.
Sa ulat na ipinadala ni Mindanao Intelligence Task Group (MITG) head Melody Gonzales kay BI Commissioner Jaime Morente, kinilala ang mga nadakip na mga dayuhan na sina Tejpal Singh, 35-anyos; Prakashkumar Vishnubai Patel, 31-anyos at Manojkumar Ranchhodbai Patel, 51-anyos.
Nabatid na unang naaresto si Tejpal sa bisa ng Mission Order na inilabas ni Morente matapos na makumpirmang overstaying na ito sa bansa sa loob ng dalawang taon.
Sinabi ni Gonzales, na inaresto ang dayuhan habang nagtatrabaho bilang cook sa isang kilalang Indian restaurant sa kahabaan ng Circumferential Road sa nasabing rehiyon.
Samantala, sumunod namang naaresto si Prakashkumar dahil sa pagiging overstaying at illegal na nagtatrabaho sa bansa dahil sa wala itong hawak na work visa o permit.
Sa kabilang banda, nadakip din si Manojkumar makaraang matuklasang pineke nito ang visa application na nagsasabing nagtatrabaho ito sa isang establisimiyento na iba sa hawak nitong visa.
“These aliens will be deported for violating the Philippine Immigration Act. Those who abuse the hospitality of the Filipino people and work here without proper documentation will be deported and blacklisted,” babala pa ni Morente.
Kasalukuyang pansamantalang nakadetine ang tatlong Indian nationals sa BI Davao habang inihahanda ang papeles ng mga ito bago ipatapon pabalik ng kanilang bansa.
