Lacson-Sotto kumpiyansang mananalo sa 2022 elections

NI NOEL ABUEL

Kumpiyansa sina Partido Reporma standard-bearer Senador Ping Lacson at Senate President Vicente Sotto III na maipapanalo ng mga ito ang kanilang kandidatura dahil sa positibong pagtanggap ng mga tagasuporta at sa publiko na nakakarinig at nakakaunawa sa mungkahing polisiya para masugpo ang katiwalian at mas maiangat ang serbisyo ng mabuting pamahalaan.

Ito ang optomistikong pahayag ng Lacson-Sotto tandem na nagsabing ipagpapatuloy ng mga ito kasama ang kanilang senatorial candidates ang pangangampanya na nakatutok sa mga napapanahong isyu at pagbibigay ng edukasyon sa mga botante.

“Sa akin, ano, upbeat kasi ‘yung nakikita namin sa ground mukhang hindi nare-reflect doon sa mga survey. ‘Yon ang feeling ko. ‘Yon din ang feeling ni Senate President Sotto,” sabi ni Lacson sa mga mamamahayag na nagtanong tungkol sa kanyang pakiramdam sa takbo ng halalan ngayong nasa dalawang buwan na lamang ang panahon ng kampanya. 

“So, let’s see. Kasi, after all, ‘yung presidency is a destiny and it’s a calling. Kung hindi ka tatawagin ay hindi ka talaga makakapagsilbi. Pagka-destined naman na ikaw ang tawagin, may mangyayari at may mangyayari na dadalhin ka doon,” dagdag nito.

Aminado naman si Lacson na ang kawalan pa rin ng sapat na edukasyon ng mga botante ang matinding hamon na kinakaharap nito at ng iba’t ibang mga grupo na tumutulong sa kanyang kampanya.

“Sana ma-educate ‘yung mga botante kasi kulang sa education. Nahirati tayo, ano, kung sino ‘yung magaling mag-entertain, sabihin na natin magaling mangako, magaling mambola, ‘yon ang parang medyo nakakapangibabaw,” pahayag ng presidential aspirant.

Umaasa aniya ito na makakaabot sa mas maraming Pilipino ang mensahe ng kanilang pangangampanya na naglalahad ng mga solusyon sa nagpapatuloy at mga posible pang kaharaping roblema ng ating bansa  na kailangan ng seryosong mga aksyon bago pa mahuli ang lahat.  “Kami ni Senate President sa tagal ng panahon talagang naka-ready kami e. Alam namin how tough ‘yung mga problems that we are facing, that we are confronting, but then pinag-aralan naming matagal na (ang mga solusyon) and even now, as we speak, nag-aaral kami,” saad pa ni Lacson.

Leave a comment