Malasakit Centers sa Region 2 nag-o-operate na – Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Muling umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa lahat ng Filipino na nangangailangan ng healthcare services na gamitin ang programa ng pamahalaan na medical assistance programs kasunod ng paglulunsad ng ikalawang Malasakit Centers sa Cagayan Valley Region.

Ayon kay Go, napuna nito ang pag-access sa mga de kalidad na serbisyong pangkalusugan ay nananatiling isang mahalagang hamon lalo na sa mga malalayong lugar kung saan ang mga gastos ay kadalasang malaking hadlang sa mga ito.

“Masaya ako at sunud-sunod ang pagbubukas ng mga Malasakit Centers sa pinakamalalayo nating probinsya. Tiwala akong patuloy itong magiging malaking tulong sa mga kababayan natin, lalo na sa mga walang matakbuhan at maaasahan kundi ang gobyerno,” sabi ni Go.

“Dito ninyo makikita ang puso ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa mga mahihirap. Sinimulan namin ito dahil ayaw naming pinapahirapan sila. Binabalik lang ng gobyerno ang pera at serbisyo na dapat matanggap ng tao sa pamamagitan ng mabilis at maaasahang serbisyo na may malasakit,” dagdag nito.

Batid aniya nito na dahil sa ang rehiyon ng Cagayan Valley ay nasa bulubunduking lupain at ang pagbuo ng imprastraktura at mahirap na panahon ang humahadlang sa mahusay na healthcare services.

Upang makatulong ang pamahalaan ay inilunsad ang dalawang bagong Malasakit Centers kabilang ang nasa Batanes General Hospital sa bayan ng Basco at ang isa pa ay nasa Quirino Provincial Medical Center sa bayan ng Cabarroguis.

Ito na ang ika-150 at ika-151  Malasakit Centers na itinayo ng pamahalaan sa buong bansa.

 Ang iba pang Malasakit Centers sa nasabing rehiyon ay nasa Cagayan Valley Medical Center sa Tuguegarao City, Cagayan; Region II Trauma and Medical Center sa Bayombong, Nueva Vizcaya; Faustino N. Dy, Sr. Memorial Hospital sa Ilagan City at Southern Isabela Medical Center sa Santiago City, sa Isabela.                

Sinabi ni Go na simula nang ilunsad ito noong 2018, nasa mahigit sa 3 milyong pasyente na ang nakinabang dito.

Leave a comment