Binay sa DOE: Maghanap ng solusyon sa energy crisis

Senador Nancy Binay

Ni NOEL ABUEL

Kinalampag ni Senador Nancy Binay ang Department of Energy (DOE) na kumilos para makapag-ipon ng reserbang kuryente ang bansa sa halip na maging abala sa ibang bagay tulad ng pulitika.

“Rather than looking too far ahead, the energy department should look at the problem that’s staring them in the face. Focus po sana muna tayo sa immediate na problema na dapat matagal nang natugunan. Sa ngayon, pinag-aaralan po natin kung pansamantala munang i-suspend ang pagpapataw ng excise tax sa mga produktong petrolyo,” giit ni Binay na nagsabing suportado nito ang pagsususpende ng excise tax sa langis.

Una nang nagbabala ang Independent Electricity Market Operator of the Philippines (IEMOP) sa numinipis na supply ng kuryente sa Luzon habang nalalapit ang May elections.

Base sa isinagawang simulations ng IEMOP, ang Luzon grid ay maaaring maharap sa 67 yellow alert warnings mula Marso hanggang Hunyo kung hindi madaragdagan ang reserba ng kuryente.

Magugunitang nagbabala rin ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) na numinipis na rin ang power supply sa Luzon grid ngayong nalalapit ang panahon ng tag-init.

“Ramdam na ‘yung numinipis na supply ng kuryente dahil na rin sa pagpasok ng summer season, plus ‘yung inaasahang pagtaas ng presyo ng kuryente dahil na rin sa pagsipa ng presyo ng diesel at bunker fuel na apektado ng krisis sa Ukraine at Russia,” sabi pa ni Binay.

Sinabi pa ng NGCP na inaasahan ng DOE ang higher peak demands na 12,387 megawatts (MW) para sa Luzon sa kasalukuyan, o 747 MW na mas mataas sa 11,640MW na naitala sa kahalintulad na panahon noong nakaraang taon.

“Alam nating lahat na malaking banta sa halalan kung magkakaroon ng mga serye ng brownouts lalo na sa week ng elections which is in 60 days. What we need is an immediate response and practical solutions sa nakaambang back-to-back power crisis scenario,” sabi pa ng senador.

Sinabi pa ni Binay na ang mga problemang bumabagabag sa energy sector ay nananatiling hindi nareresolba, at ang usapin ng manipis na reserba kung kuryente ay maaaring magbanta sa pagsasagawa ng maayos na halalan.

“Ang kailangan ay madaliin natin ang proseso ng pagtatayo, testing, at commissioning para sa mga bagong planta at mag-explore din ng mga viable renewable sources na maaari nang ikasa in the short term nang makausad tayo,” ayon pa kay Binay.

Idinagdag pa ng mambabatas na ang patuloy na pagtataas sa presyo ng produktong petrolyo dahil sa tensyon sa Europe ay magdudulot din ng dagdag na singil sa kuryente sa bansa.

“Nasa $140 per barrel na ang presyo ng krudo at patuloy na tumataas pa–something that we cannot control. Pero may direktang impact ito sa atin since ang ilang power plants sa ating bansa ay gumagamit ng diesel at bunker fuel which would also impact on industries that are highly dependent on electricity,” paliwanag pa ni Binay.

Leave a comment