Eco-friendly campaign ni Cayetano pinuri  

Rep. Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Pinapurihan ng Ecowaste Coalition ang eco-friendly campaign ni senatorial aspirant at dating Speaker Alan Peter Cayetano kasabay ng panawagan sa ibang mga kandidato na gumawa rin ng paraan upang maabatan ang krisis ng polusyon sa bansa.

Ang hakbang ng naturang grupo ay bilang reaksyon sa desisyon ni Cayetano na gawin na lamang sa digital platforms ang kanyang campaign trail sa halip na mag-imprenta ng posters, flyers, at iba pang mga tradisyunal campaign materials.

“Nagpapahayag ito ng kanyang malalim na pagkalinga sa kalikasan at mahalagang misyon na gawing mas malinis, ligtas, at maayos ang kampanya hanggang sa araw na halalan,” giit ni Zero Waste Campaign Officer Jove Benosa.

Hinikayat ng Ecowaste Coalition ang ibang mga kandidato na tularan ang ginawa ni Cayetano at maghayag ng plataporma at plano para sa kapaligiran lalo na at isa ang Pilipinas sa mga apektado ng climate change.

“Maganda po kung ang bawat kandidato ay may malinaw na plataporma at kongkretong ambag o sagot sa lumalalang problema sa polusyon at environmental crisis,” ayon a kay Benosa.

Batay sa data na nakalap ng eco-waste coalition, lumalala ng 30% to 40% ang basurang naiipon tuwing halalan dahil sa sangkaterbang mga campaign materials na nakakalat lalo na sa mga kalsada sa buong bansa.

Ito ay maliban sa tinatayang 16.6 metriko toneladang basura na naiipon taun-taon sa Pilipinas kaya naman ang bansa ang ikatlo sa pinakamalalang solid waste polluter sa buong Southeast Asia.

Sinabi pa ng koalisyon na dapat tignan ng mga botante kung paano mangampanya ang mga kandidato dahil ito ay repleksyon ng kanilang karakter.

“Dapat pong maging sukatan ito ng ating mga mamamayang botante sa pagpili ng bawat tumatakbong kandidato sapagkat ito ay repleksyon ng personal na katauhan ng kandidato, at sumasalamin sa malinaw na bitbit nilang programa sa kalikasan at lumalalang problema ng polusyon sa ating bansa,” apela pa ni Benosa.

Kinilala rin ng EcoWaste Coalition ang panawagan ni Cayetano sa kanyang mga supporters na magtanim na lang ng mga puno at bakawan sa kanayunan at pasukin ang urban farming sa mga syudad sa halip na magpa -imprenta ng mga campaign materials bilang suporta sa kanyang pagbabalik sa Senado.

Matatandaang nagdesisyon si Cayetano na gawing digital ang kanyang campaign trail ngayong halalan at maging ang mga motorcade ay iiwasan na rin nitong gawin upang makatulong sa kapaligiran.

“Nakikiusap ako sa ating mga supporters na kung gusto ninyo po sumuporta, imbes na gumastos pa sa tarpaulin or kung anuman, magtanim ng puno, ng mangrove, or kung nasa city kayo, marami pong bagong style ng urban farming,” ayon kay Cayetano.

 Matatandaang noong February 7 inihayag ni Cayetano na magiging eco-friendly ang paraan ng kanyang pagbabalik-Senado upang di na makadagdag sa tambak ng basura tuwing halalan.

Leave a comment