Face-to-face graduation dapat nang payagan — solon

Senador Sherwin Gatchalian

Ni NOEL ABUEL

Iginiit ng isang senador na kung ngayong nakakapagsagawa na ng mga political rally ang mga kandidato sa May national elections ay hindi na dapat pang pigilan ang pagsasagawa ng face-to-face graduation.

Sinabi ni Senador Win Gatchalian na ngayong  nasa ilalim na ng Alert Level 1 ang National Capital Region at tatlumpu’t walo pang ibang mga lugar sa bansa ay dapat nang payagan ng pamahalaan ang face-to-face graduations ngayong taon.

“Kung nakakapagsagawa na tayo ng mga aktibidad na dinudumog ng maraming tao tulad ng election campaigns, dapat bigyan din natin ng pagkakataon ang mga magulang at mga mag-aaral na magkaroon na ng face-to-face graduation,” ani Gatchalian, chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture.

Dahil aniya sa tuluy-tuloy na ang pagluwag sa mga COVID-19 restrictions at patuloy ang pagbuti ng sitwasyon sa bansa, dapat nang payagan ang mga magulang at mga mag-aaral na ipagdiwang ang araw ng kanilang pagtatapos.

Gayunpaman, dapat pa rin aniyang ipagpatuloy ang pagpapatupad sa mga public health protocols upang hindi maging superspreader events ang mga seremonyang tulad nito. 

Sa ilalim ng Alert Level 1, ang pinakamaluwag sa lahat ng alert level, ang mga negosyo at mga tanggapan sa pamahalaan at pribadong sektor ay maaari nang tumakbo ng 100% capacity. Full capacity na rin ang operasyon ng public transportation.

Ngunit para sa mga may edad na labing-walong taong gulang pataas, kailangang magpakita ng proof of vaccination bago makalahok sa mga meetings, conferences, at exhibition events.

 “Ang kasiyahang dulot ng pagtatapos ng mga mag-aaral ay nag-uudyok pa sa maraming mga magulang na nagtatrabaho sa ibang bansa na umuwi ng Pilipinas para lamang makadalo sa graduation ng kanilang mga anak. Sa gitna ng patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19, napapanahong ibigay din natin ang pagkakataong ito sa mga magulang at kanilang mga anak,” dagdag na pahayag ng senador.

Noong pinalawig ang pagpapatupad ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa Luzon at ibang bahagi ng bansa noong April 2020, inanunsyo ng Department of Education (DepEd) ang pansamantalang pagpapatigil ng graduation at moving up ceremonies.

Hindi rin nagsagawa ng face-to-face graduation at moving up ceremonies sa pagtatapos ng School Year 2020-2021 upang protektahan ang kalusugan ng mga mag-aaral, kanilang mga magulang, mga guro, at mga kawani ng paaralan.

Leave a comment