

Ni NERIO AGUAS
Bumagsak sa kamay ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang South Korean nationals na wanted sa bansa nito kaugnay ng pagkakasangkot sa illegal drugs at telecom fraud.
Kinilala ni BI Commissioner Jaime Morente ang mga alien fugitives na sina Lee Dongju, 39-anyos, at Sim Kyuchul, 40-anyos, na nasakote ng mga tauhan ng BI’s fugitive search unit sa isang hotel sa Clark freeport sa Mabalacat, Pampanga.
Ayon kay Morente, nagpalabas ito ng mission order para sa ikadarakip ng nasabing mga dayuhan matapos na makatanggap ng impormasyon mula sa South Korean authorities sa Manila na pinaghahanap ang mga ito dahil sa kinasasangkutang krimen sa kanilang bansa.
“We will deport them for being undesirable and overstaying aliens. Their passports were already cancelled by the Korean government, which also made them undocumented,” sabi ni Morente.
Ayon kay BI-FSU chief Rendel Ryan Sy, si Lee ay nagtago sa bansa simula sa Mayo 2019 at isang warrant of arrest ang inilabas ng Suwon District Court sa South Korea noong nakaraang taon dahil sa illegal na pagkakalat ng psychotropic drugs na paglabag sa Narcotics Control Act ng Sokor.
Samantala, si Sim naman ay wanted sa Korea matapos na maglabas ang Cheongju district court ng arrest warrant noong 2017 dahil sa kason fraud.
Sa record ng BI, si Sim ay dumating sa bansa noong 2016 at mula noon ay nagtago na ito para takasan ang krimeng kinasasangkutan nito kung saan Hunyo 2019 ay inilagay na sa red list ng Interpol ang pangalan nito.
Ayon sa Interpol’s national central bureau sa Manila, itinuring si Sim na miyembro ng telephone fraud syndicate na nakabase sa Qingdao, China at nag-operate mula Enero hanggang Setyembre 2015 kung saan sangkot ang mga ito sa pambibiktima ng mga kababayan nito sa South Korea.
Nabatid na nagawang matangay ng mga suspek ang debit card numbers ng mga biktima nito kapalit ng pekeng trabaho na nakalagay sa advertised online ng sindikato at nakatangay ng 5.3 milyon won o katumbas ng mahigit sa US$4,300.
Kasalukuyang nakadetine sina Lee at Sim sa BI’s warden facility sa Taguig habang inihahanda ang pagpapatapon sa mga ito pabalik ng South Korea para harapin ang kaso ng mga ito.
