21 Pinoy seafarers nakabalik na sa bansa mula Ukraine

Ni MJ SULLIVAN

Dumating na sa bansa ang 21 Filipino seafarers na naipit sa nangyayaring gulo sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Sinalubong ng mga tauhan ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ang nasabingv mga overseas Filipino workers (OFWs) nang dumating ito sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sakay ng Philippine Airlines (PAL) flight PR659.

Ayon naman sa Department of Foreign Affairs (DFA) ang 21 Filipino seafarers ay crew ng MV S-Breeze vessel mula sa Chornomosk, Ukraine na ilang araw na naipit sa giyera sa nasabing bansa.

Sa isang tweet, sinabi ni DFA Undersecretary for Migrant Workers’ Affairs Sarah Lou Arriola na sinalubong ang 21 tripulante na tumawid mula Ukraine papuntang Moldova sa tulong ng Philippine Embassy sa Budapest, Hungary at ng Philippine Consulate sa Moldova na si Victor Gaina.

Base sa ulat, Enero 27 pa nakadaong ang barko ng mga nasabing tripulante sa Ilyichevsk Ship Yard sa Port of Odessa, sa Ukraine para sumailalim sa repairs nang abutan ng pagsiklab ng giyera sa nasabing bansa.

Pinagkalooban ng OWWA ang nasabing mga OFWs ng P10,000 bilang financial assistance para makatulong sa mga ito na makauwi sa kanilang mga pamilya.

Una nang nagpatupad ng mandatory repatriation ang DFA sa lahat ng OFWs na nananatili sa Ukraine dahil sa patuloy na pag-atake ng Russia kung saan marami nang sibilyan ang naiipit sa giyera.

Nabatid na tumulong sa evacuation ang Embahada ng Pilipinas sa Budapest, kung saan ay hinati sa dalawang batches ang mga crew members noong Pebrero 27 at Marso 1, at bumiyahe papunta sa Republic of Moldova.

Una nang dumating sa bansa ang 17 Pilipino, kabilang na ang kanilang mga pamilya, matapos nilang lumikas mula sa Ukraine.

Leave a comment