
Ni NERIO AGUAS
Itinalaga na ni Pangulong Rodrigo Duterte ang bagong mamumuno sa Commission on Elections (Comelec) at sa dalawa pang opisyal nito bilang kapalit sa mga nagretiro nang mga komisyoner.
Sinabi ni Acting presidential spokesman Martin Andanar na nilagdaan ni Duterte ang appointment paper ni Saidamin Pangarungan na uupong ad-interim chairman ng Comelec.
Kabilang din sa in-appoint ni Duterte sina George Erwin Garcia at Aimee Neri na uupong mga komisyoner ng poll body at kukumpleto sa 7 miyembro ng Comelec En-banc.
“The directive of the President is to ensure an honest, peaceful, credible and free elections,” sabi pa ni Andanar.
Pinalitan ng nasabing mga bagong opisyal ng Comelec sina dating Commissioner Sheriff Abas, at dating Commissioners Antonio Kho at Rowena Guanzon na nagretiro noong nakaraang buwan.
Nabatid na si Pangarungan ay nagsilbing kalihim ng National Commission on Muslim Filipinos at naging gobernador din ng Lanao del Sur.
Habang si Garcia ay nagsilbing abogado ng mga dati at kasalukuyang kandidato kabilang si dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa poll protest nito laban kay Vice President Leni Robredo.
Gayundin naging kliyente rin nito sina Manila Mayor Isko Moreno, Senador Manny Pacquiao, at Senador Panfilo Lacson na pawang kumakandidato sa presidential post at si Senador Grace Poe na naging kliyente nito noong kasagsagan ng kinukuwestiyong citizenship ng huli.
Samantala, si Neri ay dating undersecretary ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Kaugnay nito, sinabi ni Garcia na mag-i-inhibit ito sa lahat ng mga nahawakan nitong kaso ng mga dati niyang kliyente na nakabinbin sa Comelec dahil sa pagiging opisyal nito ng ahensya.
Sinabi rin ni Garcia na hindi rin aniya ito makikibahagi sa kaso ng mga indibidwal na nakilala nito sa kanyang professional capacity.
