
Ni NOEL ABUEL
Walang puwang dapat ang kurapsyon o anumang administrative lapses sa pamamahagi ng fuel subsidy sa mga sektor na apektado ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ito ang sinabi ni Senador Ping Lacson sa pahayag na dapat nang matuto ang mga awtoridad sa nangyari noong nakaraan kung saan hindi nakarating sa mga benepisyaryo tulad ng Public Utility Vehicle (PUV) drivers ang pondo mula sa Bayanihan fund.
“Bukod sa corruption issue, may administrative issue ng pag-distribute. Baka mamaya sabihin natin patay na ang kabayo bago dumating ang ayuda,” sabi ni Lacson.
Bagama’t ipinasa ng Kongreso ang Bayanihan 2 para matulungan ang sektor ng transportasyon, napag-alaman ng Commission on Audit na isang porsyento lamang ng pondo ang talagang napunta sa mga benepisyaryo nito.
Para sa presidential aspirant, ang pagdoble sa fuel subsidies para sa transport sector at pagbibigay ng fuel discount vouchers para sa sektor ng agrikultura ang pinakamainam na hakbang na dapat gawin.
“Due to the spiraling prices of oil in the world market, doubling the fuel subsidies and vouchers is the right thing to do as allowed under a special provision in the 2022 General Appropriations Act in order to contain inflation which is projected to hit 3.7 percent in 2022,” paliwanag ni Lacson.
Patuloy ang pagtaas ng presyo ng langis nitong mga nakaraang linggo bunsod ng lumalalang tensyon at paglusob ng Russia sa Ukraine.
Panukala ng economic development cluster ng gobyerno ang pagtataas ng fuel subsidy sa PUV drivers sa P5 bilyon mula P2.5 bilyon; at pagtaas sa P1.1 bilyong pondo para sa fuel discount vouchers para sa mga magsasaka at mangingisda mula sa halagang P500 milyon.
