
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Ramon “Bong” Revilla Jr. na ang agarang pamamahagi ng fuel subsidy sa mga tsuper ang pinakamabilis na aksyon na maaaring gawin ng pamahalaan para matulungan sila sa gitna ng tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
“Marami ang umaasa dito lalo’t higit marami sa mga driver ng pampublikong sasakyan ang ngayon lamang nakakabawi at nakakabangon sa muling pagbubukas ng ekonomiya at pagbaba ng alert level ngayong panahon ng pandemya,” sabi ni Revilla.
Aniya, inaasahan na walang magiging balakid sa magiging implementasyon nito lalo’t nasa mga awtoridad na ang kinakailangang listahan ng mga pangalan at organisasyon na benepisyaryo, kasunod ng pamamahagi ng ayuda noong kasagsagan ng lockdown.
“Suportado natin ang anumang hakbang upang makontrol ang pagtaas ng presyo ng petrolyo – gaya ng pansamantalang pagsuspende sa excise tax, pag-explore ng local sources ng langis, at pag-develop ng renewable energy sources. Ngunit pinakamahalaga sa ngayon ay kung paano natin maaalalayan ang mga mahihirap nating kababayan, partikular ang mga tsuper, na direktang pumapasan sa epekto ng pagtaas ng presyo ng langis at wala nang naiuuwing kita sa kanilang pamamasada,” paliwanag pa ng senador.
“Huwag nating hayaan na muli silang malugmok sa kahirapan at agad nating ibigay ang kinakailangang ayuda mula sa pamahalaan. Gawin nating mabilis at simple ang proseso para sa ating mga tsuper, at huwag nang gawing kumplikado pa ito, at lalong huwag nating patagalin pa ito, dahil sa huli, mas marami ang maghihirap kapag tumaas ang pamasahe at ang presyo ng mga bilihin,” dagdag pa ni Revilla.
