
Ni NOEL ABUEL
Inusisa ni Senador Imee Marcos ang Commission on Elections (Comelec) kung sino ang nagtatago ng gagamiting balota at SD card para sa darating na May 2022 national elections.
Kasabay nito nababahala si Marcos sa posibleng banta sa seguridad sa darating na eleksyon at magkaroon ng dayaan sa darating na eleksyon.
Sa pagdinig ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation na pinamunuan ni Marcos, inamin ng mga ahensyang may kinalaman sa eleksyon na lumihis o kaya’y di nila kayang ipatupad ang mga paraang panseguridad na unang napagkasunduan.
Kung dati aniya ay madaling makapasok ang mga nag-oobserba sa mga proseso patungong eleksyon, sa ngayon madalas na ipinagbabawal ng Commission on Elections (Comelec) ang sinumang kinatawan ng partido politikal, non-governmental organization (NGO), at ang publiko na gustong mag-monitor sa pagpoproseso ng SD cards sa Santa Rosa, Laguna.
“Naiproseso na ng Comelec ang lahat ng mga SD card para sa Mindanao hanggang Region 4, na wala man lang testigo. Tanging mga SD card na lang para sa tatlong natitirang rehiyon ang ipoproseso, ” ani Marcos.
“Alam nating sa mga SD card namadyik o naganap ang dayaan sa nakalipas na halalan,” dagdag pa ni Marcos.
Nasorpresa rin si Marcos sa desisyon ng Comelec na paglikha ng mga regional technical hub sa piling mga probinsya na tutulong umano sa pagpoproseso ng SD card kapag pumalya ang mga voting machine, na hindi naman dating ginagawa ng komisyon.
Dagdag pa ng senador, nangyari rin ang pagsisikreto sa publiko sa National Printing Office (NPO), kung saan nagawang makapag-imprenta ng 66%.4 ng mga balota para sa eleksyon sa Mayo na hindi na-monitor.
“Lahat ng ito, ganito kalalim ang pagsisikreto? May nalabag na batas dito,” giit ni Marcos.
Hindi tinanggap ni Marcos na palusot ang restriksyon sa pandemya at iginiit na hindi dapat makompromiso ang karapatan sa pagboto ng mga pagtanggi ng mga opisyal na masaksihan ang galaw at proseso ng halalan.
Sinabi pa ni Marcos na maaari ring mamayagpag ang pandaraya sa bilangan ng boto sa mismong araw ng eleksyon dahil sa iilang voting precinct lamang ang kaya ng Comelec na paganahin ang mga digital signature.
Aminado ang Comelec na nabigo itong makakuha ng mga kable na tugma sa mekanismong una nilang binili na gumagamit ng microchip at tinatawag na iButtons.
Sa harap nito, magpapatawag si Marcos ng executive session at panibagong pagdinig sa susunod na linggo para linawin ang alegasyon na paglabag sa ‘data security’ o seguridad ng datos na posibleng maging dahilan para makompromiso ang bilangan ng boto.
