Senado dismayado sa Pagcor

Senador Vicente Sotto III

Ni NOEL ABUEL

Nagpahayag ng pagkadismaya si Senate President Vicente Sotto III sa kautusan ng Malacañang na ipagpatuloy ang operasyon ng online sabong sa kabila ng panawagan ng mga senador na suspendehin ito habang iniimbestigahan ang kaso ng 34 na nawawalang sabungeros.

Sinabi ni Sotto na ang pagkadismaya ng Senado ay hindi maikukumpara sa nadaramang pagkadismaya ng mga pamilya ng mga nawawalang sabungeros.

“The disappointment of Senate can’t compare to the disappointment of families affected, di lang ‘yung nawawalang kaanak du’n din sa mga namomroblema sa nalululong ang kapamilya,” sabi ni Sotto.

Idinagdag ni Sotto na nalulungkot ito na isinangkot pa ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) si Pangulong Rodrigo Duterte sa usapin ng e-sabong.

“Ako ay nalulungkot na ang Pagcor dinala pa sa president ang usapin so ano ang recommendation nila, sabi ni ES inaantay nila ang rekomendasyon ng Malacanang at ang Senate resolution, ano kaya obviously ang recommendation ng Pagcor. Based on the law pwede sila, suspension lang naman, the mere fact na pinarating nila ang press ang usapin obvious ayaw nila,” paliwanag pa ni Sotto.  

Ipinunto ng senador na walang saysay ang paggawa ng apela sa Malacañang.

Iginiit ni Sotto na nasa ilalim ng kapangyarihan ng Pagcor ang pagsuspende ng lisensya base sa batas.

Batid naman aniya ng Pagcor sa simula na alam na nito ang pangalan ng mga  may-ari ng e-sabong dahil may kakayahan itong magbigay ng lisensya at mag-suspend.

“Public record naman ‘yun alam  na ng Pagcor ‘yun from the very start. Kung ikaw merong power na mag-license may power ka rin to suspend, kaya nu’ng tinanong namin ang Pagcor ano ang recommendation nila, hindi makapagbigay ng categorical answer, ayaw nila i-suspend,” sabi pa nito.

Mababatid na inihain noong nakaraang linggo ang Senate Resolution 996 na pinirmahan ng tinatayang 23 senador, kung saan ay hinihimok nito ang Pagcor na suspendehin ang mga lisensya ng e-sabong operators hanggang hindi nareresolba ang kaso ng mga nawawalang mga sabungero sa iba’t ibang bahagi ng bansa.

Leave a comment