Balanseng minimum wage agad repasuhin – solon

Ni NOEL ABUEL

Kailangang repasuhin na sa lalong madaling panahon ang minimum wage ng mga ordinaryong manggagawa lalo na ngayong walang preno ang pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo sa bansa.

Ito ang sinabi ni Senador Ping Lacson kung saan napapanahon na aniya para repasuhin ang minimum wage bilang tulong sa mga manggagawa na apektado ng pagtaas ng presyo ng langis bunsod ng sigalot sa pagitan ng Russia at Ukraine.

Ayon kay Lacson kadalasang isyu na naririnig nito at ng kanyang vice presidential bet na si Senate President Vicente Sotto III mula sa kanilang mga kumustahan at town hall meeting ay ang pagtaas ng presyo ng bilihin.

“Napaka-timely ang panawagan ni Labor Sec. Silvestre Bello III na mag-meet ang tripartite wage board para pag-usapan kung kailangan na bang i-adjust ang minimum wage ng ating mga kababayan,” ani Lacson.

Aniya, maraming manggawa ang umaaray na sa patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo  bagama’t kinakaya pa ng mga mayayaman ang pagtaas na ito, ang mas nahihirapan sa ganitong sitwasyon ay ang mga ordinaryong Pilipino.

Kailangan din aniya na balansehin ang panawagan ng mga manggagawa sa nakabubuhay na sahod at ang kapasidad ng employers na magbayad ng mas mataas na sahod. “So dapat talaga pag-usapan natin kung dapat i-adjust ang ating minimum wage earners,” saad ni Lacson.

Leave a comment