BBM-Sara tandem suportado ang panawagang special session ng Kongreso

Ni NOEL ABUEL

Suportado ng UniTeam presidential-vice presidential tandem ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte ang panawagang magsagawa ng special session ang Kogreso para isuspende ang excise taxes sa mga produktong petrolyo.

Ayon sa alkalde, personal aniya itong aapela sa kanyang ama na si Pangulong Rodrigo  Duterte para mag-convene ang Kongreso at magsagawa ng special session.

“Yes, opo, not as a daughter to a father but as a Filipino citizen,” sabi ni Duterte sa ambush interview ng mga mamamahayag.

Aniya, nagkakaisa ang UniTeam na suspendehin  ang fuel taxes at pag-aralan ang panukalang pagbuhay sa Marcos-era Oil Price Stabilization Fund (OPSF).

Ngunit nilinaw ni Duterte na ang panawagan nitong magsagawa ng special session ang Kongreso  sa loob ng tatlong buwang election campaign break na nasa kamay na ng Pangulo.

“But of course, since it is a very big problem for us, dahil nga tumataas ‘yung presyo ng oil sa buong mundo ngayon at siguro tulungan din ng Kongreso, both the Senate and the House of Representatives ang Executive department sa pag-iisip kung ano pa ba ang dapat magawa ng gobyerno para sa ating mga kababayan,” paliwanag pa ni Duterte.

“Well, hindi ko alam kung ano po ‘yung direksyon ng national government on this matter, but I understand that there are continuous discussion with regard to the increasing prices of fuel and its effect on basic commodities,” dagdag nito.

Nabatid na una nang nanawagan si House Deputy Speaker at 1-Pacman Rep. Mikee Romero kay Pangulong Duterte na magpatawag ng special session upang maipasa ang panukalang pagsuspende sa fuel taxes.

Sinabi na rin ni House Speaker Lord Allan Velasco na nakahanda na ang Kamara na mag-convene kung kinakailangan sa panahon ng campaign break.

Leave a comment