DFA pinuri ni Cayetano

Rep. Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Ipinarating ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang papuri at pasasalamat sa Department of Foreign Affairs (DFA) dahil sa mabilis at mabisa nitong paglilikas sa mga Pilipino na nasa Ukraine sa tulong ng pakikipag-ugnayan sa iba’t ibang embahada.

“We are grateful for the constant efforts of the DFA in making sure our kababayans in Ukraine are safe. Let us continue praying for their safety and the situation abroad,” ani Cayetano.

Tugon ito ng mambabatas matapos itaas ng DFA ang crisis alert status sa Level 4 dahil sa lumalalang sitwasyon sa Ukraine.

Ang Level 4 alert status ay nangangahulugan na ang gobyerno ay dapat magsagawa ng isang mandatory repatriation assistance o pagpapalikas sa lahat ng mga Pilipino sa mga apektadong bansa.

Giit pa ni Cayetano, mahalaga ang oras para masagip ang mga overseas Filipino workers (OFWs) sa gitna ng naturang krisis at makauwi ng ligtas sa kanilang mga pamilya.

“Yung mga OFWs natin, siyempre, nangangamba ‘yung mga pamilya. I’m sure the DFA and Department of Labor and Employment (DOLE) are rushing to keep them safe,” dagdag niya.

Nitong Marso 8, nasa 63 Pilipino na ang nakauwi sa Pilipinas mula sa Ukraine habang 136 na ang inilkas mula nang magsimula ang krisis noong Pebrero.

Sa nasabing bilang, 21 ay mga seafarer na na-stranded sa Ilyichevsk Ship Yard sa Port of Odessa, Ukraine nang magsimula ang naturang krisis o alitan sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Ayon kay Foreign Affairs Undersecretary Sarah Lou Arriola, nakatawid ang mga seafarers mula Ukraine patungong Moldova sa tulong ni Honorary Consul Victor Gaina sa pakikipag-ugnayan sa Philippine Embassy sa Budapest.

Si Cayetano, na nagbabalik-Senado sa darating na halalan, ang pangunahing may-akda ng panukalang batas na lumilikha sa Department of Migrant Workers (DMW), na isinabatas noong Disyembre 30, 2021.

“Ang mga OFW ay isang priyoridad para sa akin, at ang malaman na ang gobyerno ay nagpapakita ng kahalagahan sa ating mga OFW ay magandang balita para sa akin,” aniya pa.

Sinabi rin ni Cayetano, na dati ring naging kalim ng DFA, na sinusuportahan nito ang inisyatiba ng gobyerno na tulungan ang iba pang mga nangangailangang OFWs para lumikas sa gitna ng krisis sa pagitan ng Ukraine at Russia.

Leave a comment