
Ni NERIO AGUAS
Inaresto ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Nigerian national habang dinidinig ng kaso sa Muntinlupa City Regional Trial Court.
Kinilala ni Immigration Commissioner Jaime Morente ang dinakip na dayuhan na si Emmanuel Obi Nwadkure, 26-anyos, ng mga tauhan ng BI’s fugitive search unit (FSU) sa Hall of Justice bldg. sa Muntinlupa City.
Ayon sa record ng BI, si Nwadkure ay nakakulong na ng dalawang taon piitan dahil sa pagkakasangkot sa credit card fraud at cyber-crime activities at habang dinidinig ang kaso nito sa korte ay isinilbi ng mga tauhan ng FSU ang mission order laban dito.
Nabatid na kinailangang ikostodiya ng BI ang nasabing dayuhan upang masigurong hindi nito tatakasan ang kinakaharap nitong criminal case habang dinidinig ng korte ang kaso nito.
Sinasabing pinayagan ng korte na pansamantalang makalaya ang Nigerian national matapos makapagpiyansa kung kaya’t pinayagan ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na palayain ito.
Ngunit dahil sa panuntunan ng Pilipinas, ang mga dayuhang nahaharap sa kasong kriminal at pinayagang makapagpiyansa ay awtomatikong ililipat ito sa pangangalaga ng BI para isailalim sa deportation proceedings.
Natuklasan din na si Nwadkure ay nananatiling nasa immigration hold departure list dahil sa nagpalabas ng korte ng hold departure order laban dito.
Sa records, ang nasabing dayuhan ay isang overstaying alien, at naaresto noong Setyembre 8, 2020 ng mga tauhan ng anti-cyber crime unit ng National Bureau of Investigation (NBI) dahil sa paglabag sa Republic Act 8484 o ang Access Devices Regulation Act of 1998.
