
Ni NOEL ABUEL
Sang-ayon si Aksyon Demokratiko standard bearer Isko Moreno Domagoso na ipagpaliban ang nakatakdang Barangay at Sangguniang Kabataan (SK) elections na gaganapin sa Disyembre 5, 2022 upang ang pondong nakalaan dito ay magamit para matulungan ang mga Filipino na naapektuhan ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
“Huwag na munang ituloy ‘yung barangay elections this year. Kakatapos lang ng national elections sa May. Tapos another election for barangay officials in December. Better to use the allocated money for ayuda and other urgent needs of the people in these difficult times,” sabi ni Moreno.
Noong 2019, nilagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act 11462, o ang pagpapaliban ng May 2020 barangay at SK elections sa Disyembre 2022.
Sa ilalim ng nasabing batas, ang barangay elections matapos ang Disyembre 2022 elections ay mangyayari sa unang Lunes ng Disyembre 2025 at kada tatlong taon.
Nobyembre ng nakaraang taon nang ihain sa Kamara ang House Bill 10425 na nagpapaliban ng bgy. at SK elections mula Disyembre 5, 2022 patungong May 6, 2024 kung saan nasa P8 bilyon ang inilaang pondo.
“As I have said, maghahanap tayo ng paraan kung paano maitatawid ang taong bayan. And one of those is money or resources. So, kung ako ang tatanungin, extend muna natin ‘yung barangay election by another year, or a year and a half, nang ‘yung perang gagamitin natin sa eleksyon, magamit natin para ipang-ayuda sa tao, magamit natin para ipang-ayuda sa tao, katulad nu’ng gasolina, or ipang-ayuda sa pagkain, or ipambili natin ng fertilizer at ipamahagi sa magsasaka,” paliwanag pa ni Moreno.
