
Ni NERIO AGUAS
Nasagip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang 5 overseas Filipino workers (OFWs) mula sa kamay ng sindikato ng human traffickers.
Sa ulat na tinanggap ni BI Commissioner Jaime Morente kay BI Travel Control and Enforcement Unit (TCEU) Chief Ma. Timotea Barizo, ang nasabing mga OFWs ay pinigil sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 2 para makaalis sakay ng Philippine Airlines (PAL) flight patungong Thailand.
Nabatid na ang limang biktima ay nakalagpas na sa unang bahagi ng pag-iinspeksyon ng BI subalit nang sumailalim ang mga ito sa secondary inspections ay dito natuklasang magkakasama ang mga ito at patungo sa Thailand.
“Two of the five victims were actually siblings. These schemes are getting increasingly more complex, even resorting to sending out blood relatives to show some semblance of legitimacy,” sabi ni Barizo.
Sa pag-iinspekyon, ang mga biktima ay may connecting flight mula Thailand patungo sa United Arab Emirates bago ang pinal na destinasyon ay ang bansang Libya.
Sa interogasyon, sinabi ng mga biktima na ni-recruit ang mga ito bilang factory workers sa Libya ng isang nagpakilalang Julie na nakilala ng mga ito sa pamamagitan ng Facebook messenger.
Apela naman ni Morente sa mga nagbabalak magtrabaho sa ibang bansa na mag-ingat at huwag maging biktima ng illegal recruiters na nakikilala lang sa pamamagitan ng social media.
“Do not immediately trust people that you meet only online. These scammers are only interested in earning at your expense. Protect yourselves by ensuring that you only secure work via legitimate entities, as authorized by the POEA (Philippine Overseas Employment Administration),” sabi nito.
