
Ni NOEL ABUEL
Suportado ni Christopher “Bong” Go ang panukala para sa pansamantalang moratorium sa pangongolekta ng excise tax sa produktong petrolyo upang matulungan ang mga Filipino na makayanan ang epekto sa ekonomiya.
Sa isang panayam pagkatapos ng kanyang pagbisita sa mga biktima ng sunog sa lungsod ng Maynila noong Miyerkules, binigyan-diin ni Go na ang pagprotekta sa mga mahihinang mamimili ang dapat na numero unong iprayoridad.
Gayunpaman, kinilala ni Go ang mga alalahanin sa posibleng epekto nito sa koleksyon ng kita ng gobyerno.
“Kung ako, personally, siyempre dahil talagang apektado ang mahihirap ngayon. Pero ang tanong diyan, papayag ba ‘yung finance managers natin dahil mayroon na silang projection for this year para sa collection nila? In the meantime dahil hindi pa stable ang presyo ng langis, pwedeng i-suspend muna natin ang excise tax. I will vote for it,” paliwanag ni Go.
Idinagdag pa ng mambabatas na malugod nitong tatanggapin ang isang espesyal na sesyon upang matugunan ang naturang panukalang batas ngayong nasa bakasyon ang Kongreso.
Binanggit din nito na ang mga posibleng solusyon tulad ng pagpapakilala ng moratorium o pagbibigay ng dagdag na pondo para sa target na suporta sa mga mahihinang manggagawa partikular sa sektor ng transportasyon. Pinamamadali rin ni Go sa pamahalaan na madaliin ang pagpapalabas ng subsidiya na nakalaan sa mga jeepney drivers na karamihan ay kababalik lamang mula sa epekto ng COVID-19.
