
Ni NOEL ABUEL
Ibinulgar ni Senador Imee Marcos na tatapyasan ng Commission on Elections (Comelec) ang mga digital signatures na kailangan para masigurong tunay o totoo ang resulta ng eleksyon sa Mayo 9.
Tinukoy ni Marcos ang memorandum ng Comelec noong Pebrero 18 kung saan tanging nasa 106,174 lang ang mga digital signatures na inilaan para sa mga guro na mamumuno sa electoral board habang nasa 38,739 lang ang para sa mga miyembro.
Sinasabing lilimitahan lang ang mga digital signature para sa mga miyembro ng electoral board sa National Capital Region na nasa 31,614, habang sa Cebu City ay nasa 2,892 at sa Davao City ay nasa 4,233.
“Kadalasang nangyayari ang malawakang dayaan sa mga probinsya, mga isla, at malalayong mga lugar. Ang kawalan ng mga digital signature sa mga voting precinct ang magdudulot ng kawalang tiwala ng publiko o magiging sanhi ng pagkabigo ng eleksyon,” diin ng chairman ng Senate committee on electoral reforms and people’s participation.
Nakasaad sa Section 18 ng Election Automation Law o Republic Act (RA) 8436, na naamiyendahan ng RA 9369, ang mga election returns na ipinadala “electronically” at may digital na lagda ay ikokonsiderang opisyal na resulta ng eleksyon at gagamiting batayan para sa bilangan ng boto at proklamasyon ng isang kandidato.
Bukod sa mandato ng batas, sinabi pa ni Marcos na una nang ipinangako ng Comelec, Department of Information and Communications Technology (DICT), Department of Education (DepEd), at Department of Science and Technology (DOST) na magbibigay sila ng kumpletong mga digital signatures noong kasagsagan ng pagdinig ng Senado noong Mayo at Hunyo taong 2021.
Dagdag ni Marcos na maliban sa nakakaalarmang pagbabawas ng mga kaukulang ‘digital security measure’ sa araw ng halalan, lumitaw na hinarang ng Comelec ang mga independent na mga observer na saksihan ang pagpoproseso ng mga SD card para sa mga vote counting machine at ang pasikretong pag-iimprenta ng mga balota sa National Printing Office.
Ani Comelec, binawasan nila ang kinakailangang dami ng mga digital signatures matapos umanong mabigo ang tatlong bidding o ‘tawaran’ para sa kable na tugma sa mga mekanismong tinatawag na iButtons na kailangan para mapagana ang mga vote counting machine.
“Kung tutuusin, dapat magkaroon ng mas maraming digital signatures habang pinararami ang mga voting precinct para masiguro ang social distancing ngayong may pandemya pa,” giit pa ni Marcos.
Plano umano ng Comelec na dagdagan ang mga ‘clustered’ o kumpul-kumpol na mga voting precinct ng hanggang 100,000 mula sa 85,769 na binubuo ng 389,703 na mga naitatag nang presinto sa panahon ng eleksyon noong 2019.
“Hindi pa natin binibilang ang mga digital signature sa bawat Board of Canvasser ng mga munisipalidad,” banggit pa ni Marcos.
Noong Huwebes, nakapagbigay na ang DICT ng 296,000 digital signatures para sa mga guro pero hindi pa nakukumpleto ng Comelec ang proseso ng pagsusuri para sa mga magsisilbing mga election inspector, at nariyan pa ang pagsusulit ng DOST para sa kanila.
Ayon sa DICT, tsambahan ang paggawa ng mga digital signature hanggang huling bahagi ng Pebrero mula nang simulan ng Comelec ang pagsusumite ng mga pangalan ng mga gurong magsisilbi sa mga electoral board.
Ipinarating naman ng DepEd sa tanggapan ni Marcos na nakapagsumite na sila ng listahan ng nasa mga 300,000 na mga guro sa Comelec noong katapusan ng Enero.
