Pagpapalawig ng work from home ng BPO workers sinang-ayunan ng senador

Ni NOEL ABUEL

Dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo ay sapat nang dahilan para bawiin pansamantala ng pamahalaan ang ultimatum nito na tapusin na ang work-from-home o WFH arrangement ng mga BPO at bumalik na sa opisina.

Ito ang sinabi ni Senador Joel Villanueva kung saan ang patuloy na tumataas na transport cost ay isang bagong development na dapat magtulak sa pamahalaan na iurong ang deadline nito sa Marso 31 para bumalik na sa opisina ang mga BPO na naka-WFH arrangement.

Nagtakda ng deadline ang Fiscal Incentives Review Board at nagbantang tatanggalan ng fiscal incentives at tax perks ang mga BPO companies na hindi susunod sa direktiba.

“Yung conflict sa Ukraine, pinatataas ang presyo ng produktong petrolyo, kaya makatwiran naman ang ating apela sa pamahalaan na ma-extend ang deadline,” sabi ni Villanueva.

“Parehong manggagawa at BPO companies ang mahihirapan dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina. At kung pupuwersahin ang mga manggagawa na bumalik na sa opisina, nangangahulugang ang pera na nakalaan sa pagkain ay magagastos sa pagpunta lang ng opisina,” dagdag niya.

Ayon kay Villanueva na chairman of the Senate Committee on Labor, Employment, and Human Resource Development, kung nagbibigay ng ayuda ang pamahalaan sa ibang sektor dahil sa mahal na krudo, dapat din lang na tulungan ang 1.3 milyon na manggagawa ng BPO, isang industriya na nagpapasok ng P1.5 trilyon sa ekonomiya ng bansa.

Hindi sang-ayon ang senador sa sinasabi ng gobyerno na ang return-to-work order para sa mga call center employees ay makakatulong sa mga lokal na micro, small at medium enterprises.

Nauna nang nanawagan si Villanueva para sa full implementation ng Republic Act No. 11165 o ang Work From Home Law, na siya ang pangunahing may-akda at naipasa noong 17th Congress.

Leave a comment