100% classroom capacity sa HEIs suportado ni Sen. Joel Villanueva

Ni NOEL ABUEL

Suportado ni Senador Joel Villanueva ang rekomendasyong 100% classroom capacity para sa in-person classes sa mga higher education institutions.

Ayon sa senador, malaking tulong para masolusyunan ang krisis sa edukasyon sa bansa dahil sa matagal na naka-online classes ang mga mag-aaral.

“Welcome po sa atin ang rekomendasyon na ito. Dalawang taon nang naka-flexible learning ang mga college students, at limitado lang sa mga laboratory classes sa ilang programa ang in-person classes. Ngayong tumataas na rin ang vaccination rate sa bansa, fully mai-implement na natin ang mga in-person classes na lulutas sa “learning crisis” sa bansa,” paliwanag nito.

Ngunit ipinaalala ni Villanueva na dapat masigurong maipatutupad ang minimum health protocols sa mga paaralan upang masiguro na ligtas ang mga estudyante.

“Tandaan lang po natin na may pandemya pa rin po tayo, kaya dapat pa ring masiguro ang kalusugan at kaligtasan sa mga paaralan. Dapat strikto pa rin ang implementasyon ng minimum health standards sa mga paaralan. Dapat may kakayahan pa rin ang ating mga paaralan para sa flexible learning options para sa mga estudyante. Ito na po ang new normal natin sa edukasyon,” ayon pa kay Villanueva.

“Dahil dito, i-maximize dapat ng ating mga State Universities and Colleges ang P2.5 bilyon na pondo na ipinaglaban natin sa 2022 national budget para sa implementasyon ng smart campus development at operationalization ng face to face classes,” giit nito.

Apela pa nito sa mga ahensya ng pamahalaan na suportahan ang mga guro na magbabalik-eskuwela kasabay ng pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo at bilihin

“Nanawagan din po tayo sa mga ahensya ng gobyerno na suportahan ang ating mga guro na balik-eskwelahan na rin para sa in-person classes. Maliban sa kanilang kalusugan at kaligtasan, pag-isipan po natin kung paano sila matutulungan sa harap ng pagtaas ng presyo ng gasolina at bilihin,” sabi pa ng senador.

Leave a comment