
Ni NERIO AGUAS
Nagpaalala ang Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga pribadong sektor na hindi dapat markahang absent ang mga empleyadong liliban sa kanilang trabaho dahil sa kanilang iskedyul para sa COVID-19 vaccination o booster sa gaganaping National Vaccination Days (NVD) o ‘Bayanihan, Bakunahan” sa Marso 10-12.
Sa inilabas na Labor Advisory No. 05 series of 2022, hinihikayat ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III ang mga employers na payagan ang kanilang mga empleyado na lumahok sa vaccination program.
Aniya, dapat ding bigyan ng parehong konsiderasyon ang mga manggagawa sa pribadong sektor na sasamahan ang kanilang mga anak na babakunahan.
Binanggti din ng labor chief na sakop ng labor advisory ang lahat ng empleyado sa pribadong sektor na tatanggap ng kanilang second dose o hindi pa nakatanggap ng Covid-19 vaccine o booster shot.
Sakop din ng labor advisory ang mga indibiduwal sa ilalim ng Priority Group A2, mga manggagawa sa sektor ng ekonomiya at kalusugan na hindi pa nakakatanggap ng booster dose, at iyong sasamahan ang kanilang mga anak para sa pagpapabakuna.
“Hinihikayat ko ang ating mga employer sa pribadong sektor na suportahan ang pamahalaan sa pagpapatupad ng Bayanihan, Bakunahan Part IV Covid-19 Vaccination Days at tumulong sa pagpupunyagi upang ganap na maibangon ang ekonomiya at upang matiyak ang kalusugan at kaligtasan ng ating mga manggagawa at ng kanilang pamilya,” wika ni Bello.
Maaari ring gamitin ng empleyadong magpapabakuna ang kanilang leave credits, alinsunod sa patakaran ng kompanya o ng kanilang collective bargaining agreement (CBA).
Nabatid na may 1.8 milyong indibiduwal ang inaaasahang makatatanggap ng bakuna kontra Covid-19 mula sa pamahalaan sa gaganaping National Vaccination Days o “Bayanihan, Bakunahan” Part IV.
