Grand rally ng Marcos-Sara  tandem kinansela dahil sa ulan

Si dating Senador Gringo Honasan na naligo na sa ulan habang abala sa pagbati sa mga tagasuporta ng Marcos-Sara tandem sa grand rally sa Paranaque City ngunit nakansela kalaunan.

Ni NOEL ABUEL

Napilitang kanselahin ng UniTeam nina dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. at Davao City Mayor Sara Duterte ang nakatakda sanang grand rally sa Parañaque City makaraang bumuhos ang malakas na ulan dahilan upang magsiuwi ang maraming supporters ng mga ito na dumagsa sa Aseana City, Bradco Avenue sa nasabing lungsod.

Mismong si dating Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Benhur Abalos, ang campaign manager ni Marcos, ang nag-anunsyo ng kanselasyon ng grand rally sana na inaasahang dadaluhan sana ng nasa 50,000 residente ng Parañaque.

Paliwanag ni Abalos mas minabuti ng UnitTeam na kanselahin na lamang ang rally sa halip na maraming magkasakit dahil sa malakas na pagbuhos ng ulan.

“Naka-dalawang ulan na ‘to kanina pa. Ang expected namin dito at least 50,000 na crowd. And yet nakita n’yo naman ‘yung ibang kababayan natin ayaw umalis. In behalf of UniTeam, ako’y nagpapasalamat sa lahat ng mga nandirito. Lumalakas na ang ulan at talagang magkakasakit sila, but we need to call this off, pero babalik kami sa Parañaque City, pangako po namin ‘yon,” pahayag ni Abalos sa ambush interview ng mga mamamahayag.

Hindi naman inalintana nina UniTeam’s senatorial candidates Gilberto “Gibo” Teodoro Jr., dating Senador Gregorio Honasan, at dating presidential spokesman Harry Roque ang malakas na ulan at sumugod ang mga ito sa kanilang mga supporters para magpasalamat sa pagpunta ng mga ito sa rally.

Sinabi pa ni Abalos na magtatakda uli ang UniTeam ng ibang araw para matuloy ang grand rally.

“Babalik po kame rito babalik po, pangako po ‘yon, pangako ng Uniteam. Malakas na po sobra ang ulan e, malakas na, kawawa ang tao, salamat po” apela ni Abalos.

“Sa inyong paninindigan at sa inyong sakripisyo maraming-maraming salamat po.  Ito ang kampanyang galing sa puso ng tao who will vote for BBM and Sara, maraming salamat po,” ani Abalos.

“Baka magkasakit sila (mga tao). Kaya ako nakikiusap na magpahinga na lamang muna sila, alam namin ang pagmamahal nila. Alam n’yo ho, maraming maraming salamat sa inyong paninindigan, maraming salamat sa inyong sakripisyo, ito ang kinakailangan namin para sa paninindigan at sakripisyo para manalo tayo sa Mayo, kung kaya’t sa ngalan po ng Uniteam, alam namin ayaw ninyong umuwi, pero kinakailangan na ho natin ikansela dahil masyado nang malakas ang ulan at ayaw namin na may magkasakit sa inyo,” pakiusap ni Abalos sa mga supporters.

“So maraming maraming salamat sa lahat ng taga-Paranaque, babalik kami dito ha. Muli, alam kong ayaw ninyo pang umuwi pero please ako na po ang nagasasabi magpahinga na po tayo, ‘yung ipinapakita ninyong paninindigan ibang klase. First time kaming inulan pero ngayon lang namin nakita na talagang ayaw kami iwanan ng tao. Mag-uwian na po tayo ha, ipahinga na po natin baka magkasakit kayo, maraming maraming salamat,” dagdag nito.

Leave a comment