Gatchalian sa LGUs: Pahintulutan na ang face-to-face classes

Senador Sherwin Gatchalian

Umapela si Senador Sherwin Gatchalian sa mga local government units (LGUs) na payagan nang magsagawa ng face-to-face classes ang mga paaralan na nasasakupan ng mga ito.

Ito ay dahil aniya sa patuloy na pagbaba ng mga kaso ng COVID-19 at pagluwag ng mga restrictions sa buong bansa at ang pagbubukas ng lahat ng mga paaralan para sa limited face-to-face classes ay kailangan nang payagan.

Giit ng Chairman ng Senate Committee on Basic Education, Arts and Culture, makatutulong ang pagbabalik ng face-to-face classes para makabangon ang ekonomiya ng bansa.

Aniya, base sa pag-aaral ng National Economic and Development Authority (NEDA), P12 milyon ang maidadagdag sa ekonomiya kada linggo kung papalawigin ang face-to-face classes dahil sa muling pagbubukas ng mga negosyong nakapalibot sa mga paaralan, kabilang ang transportasyon, mga dormitoryo, mga food stalls, pati na rin ang pagbebenta ng mga school materials.

Ayon pa sa senador, mahalagang matugunan ang mga pinsalang nauugnay sa kawalan ng face-to-face classes.

May mga paaralang hindi pa nakakapagsimula ng face-to-face classes dahil hinihintay nila ang pahintulot ng kanilang mga lokal na pamahalaan.

Sinabi pa ng senador na nasa 6,406 mga paaralan, kabilang ang 130 na pribadong paaralan ang nagsasagawa na ng limited face-to-face classes buhat noong Marso 5.

Sa ilalim ng Progressive Expansion phase ng limited face-to-face classes na nagsimula noong Pebrero, may 6,641 mga paaralan na nominado para sa pagsasagawa ng face-to-face classes na nakapasa sa School Safety Assessment Tool (SSAT).

Sa mga nominadong mga paaralan, 6,122 o 92 porsyento ang nagsasagawa na ng limited face-to-face classes habang may 519 o walong porsyento ang hindi pa nagsisimula.

Ngayong may 39 mga lugar, kabilang ang National Capital Region (NCR), ang kasalukuyang nasa Alert Level 1 habang ang ibang bahagi ng bansa ay nasa Alert Level 2, iginiit ni Gatchalian na dapat na ring magluwag sa pagsasagawa ng limited face-to-face classes.

Binigyang diin ng mambabatas na milyun-milyong mga mag-aaral ang hindi pa nakakabalik sa kanilang mga paaralan matapos suspendehin ang face-to-face classes noong Marso 2020. Buhat nitong Marso 5, wala pang isang milyong (908,751) mga mag-aaral ang lumalahok sa limited face-to-face classes. May 27.41 milyong mga mag-aaral ang naka-enroll sa basic education para sa School Year 2021-2022.

“Ngayong binubuksan na natin ang ating ekonomiya, hindi na rin natin dapat ipagpaliban pa ang pagkakaroon ng limited face-to-face classes sa lahat ng ating mga paaralan. Ang aking panawagan sa mga LGUs: pahintulutan na natin ang mga paaralan na magsagawa ng limited face-to-face classes upang masimulan na ang pagbangon ng sektor ng edukasyon,” giit pa ni Gatchalian.

Leave a comment