

Ni NOEL ABUEL
Kinastigo ng mga senador ang pamumulitika sa loob ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) at sa iba pang national sports groups dahilan upang ang mga atletang Pinoy ang naiipit.
Ayon kay Senador Christopher “Bong” Go nalulungkot ito sa patuloy na bangayan ng PATAFA at ni international pole vaulter Ernest John “EJ” Obiena.
“Nakakalungkot na dahil sa bangayan, nasayang ang pagkakataong mabigyan muli ng karangalan ang ating bansa sa larangan ng sports. What has now happened to our battle cry “We win as one” if we could not even resolve issues as one and unite and support our athletes as one people, as one nation?” tanong ni Go, chairman ng Senate Committee on Sports.
Aniya, una nang nagpatawag ito ng pagdinig noong nakalipas na Pebrero 7 kung saan hinimok nito ang PATAFA at si EJ Obiena na mag-usap at pumayag na lumahok muli sa mediation process.
“Inatasan natin ang Philippine Sports Commission para pangunahan ito bilang pagganap sa kanilang mandato. Dahil ongoing pa ang mediation process, patuloy akong nananawagan sa PSC at sa dalawang panig na mag-usap at bilisan ang pagresolba ng gusot na ito,” apela ng senador.
Giit nito, hindi dapat mahaluan ng pulitika ang usapin dahil hindi ito makakabuti sa sports sa bansa.
“Ang kooperasyon ninyo ang kailangan para maayos ang lahat for the sake of our country. Magkaisa po tayo at sana ay walang pulitika sa sports. Ayusin na ang dapat ayusin. Gawin ninyo ang tama, isantabi ang pansariling interes, at resolbahin ang mga hindi pagkakaunawaan. Maging magandang ehemplo po sana kayo sa inyong salita at gawa dahil maraming mga Pilipino ang tumitingala sa inyo. Umaasa ang buong sambayanan na magiging maganda ang kahihinatnan ng usapang ito para na rin sa kapakanan ng susunod na henerasyon ng mga atleta,” paliwanag nito.
Ganito rin ang sentimiyento ni Senador Panfilo Lacson na sinasabing dahil sa pulitika ay naging biktima si Obiena na hindi na makakasali sa World Indoor Championships.
“EJ Obiena: a case of missed opportunity because of sports politics. Sayang,” sa tweet ni Lacson.
“Unacceptable! We just threw away a golden opportunity to showcase our world-class talent – all because we cannot get our acts together. I am sure we Filipinos can accept losing in a fair competition. What we cannot accept is being denied the opportunity to compete in the first place,” sabi ni Lacson.
