
Ni NERIO AGUAS
Opisyal nang isinara ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang pagtanggap ng aplikasyon para sa Covid-19 Adjustment Measures Program (CAMP 3) para sa P5,000 tulong-pinansiyal sa mga manggagawa sa pribadong sektor na naapektuhan ng pagdedeklara ng Alert Level 3 o mas mataas pa sa kanilang lugar.
Sa inilabas na advisory ni Labor Secretary Silvestre H. Bello III, sinabi nitong inihinto na ng DOLE noong Marso 4 ang pagtanggap ng online application para sa tulong mula sa CAMP 3.
Gayunpaman, sinabi ng DOLE na sakaling ipatupad muli ang Alert Level 3, muling bubuksan ang nasabing ‘online application system’ upang muling tumanggap ng aplikasyon para sa CAMP.
Nilinaw rin ni Bello sa Labor Advisory No. 06 series of 2022, na ipagpapatuloy ng DOLE ang pagproseso at pagsusuri sa mga aplikasyon na natanggap bago ang pagsasara nito.
Maaaring tingnan ng aplikante ang katayuan ng kanilang aplikasyon sa https://reports.dole.gov.ph/track_application
“Handa ang DOLE na ipagpatuloy ang pagbibigay ng suporta sa mga apektadong manggagawa sa pamamagitan ng iba’t ibang programa at serbisyo sa pangangasiwa ng trabaho,” wika ni Bello.
Nitong Marso 6, may 29,973 manggagawang nag-aplay para sa CAMP 3 ang inaprubahan na ng DOLE.
Iniulat ng DOLE National Capital Region (NCR) ang pinakamaraming bilang ng mga aplikanteng manggagawa na may 58,008 o 35 porsiyento ng mga aplikasyon, na sinundan ng CALABARZON na may 18,935 o 11 porsiyento, at Rehiyon III na may 17,024 o 10 porsiyento.
Karamihan sa mga manggagawang nag-aplay para sa CAMP ay mula sa mga establisimiyento na nagpatupad ng pansamantalang pagsasara.
Bukod dito, karamihan sa mga establisimiyentong nag-aplay ay nabibilang sa micro (2,714 o 51 percent) at small (2,324 o 44 percent) na negosyo.
Inilunsad ang DOLE CAMP3 noong Enero 2022 upang tulungan ang mga manggagawang naapektuhan ng pansamantala o permanenteng pagsasara ng negosyo at pagbabawas ng kumpanya nang ilagay ng COVID-19 Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases (IATF) ang ilang lugar sa bansa sa ilalim ng Alert Level 3.
