Bike caravan para kay Cayetano, inilunsad sa Maynila at Marikina

Senatorial candidate Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Daan-daang tagasuporta ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano ang nagdaos ng magkakasabay na bike caravans mula sa Maynila hanggang Marikina para ipakita ang suporta sa kandidatura nito bilang senador.

Binansagang “1-4 Alan Peter Cayetano Bike Caravan,” ipinakita ng mga siklista mula sa Maynila at Marikina ang kanilang suporta sa panawagan ni Cayetano sa isang eco-friendly na kampanya para sa darating na halalan sa Mayo.

“Kakaiba dahil nakita ninyo naman, walang tarpaulin na plastic na may mukha ni Senator Alan Peter Cayetano just because he pushes for this eco-friendly campaign,” sabi ni Marikina City Vice Mayor Ziffred Ancheta.

“Sabi niya bike na lang, walang gas, walang polusyon. So Barangay Tumana, Marikina City, Liga ng mga Barangay sa NCR, we support the advocacy of Senator Alan Cayetano sa kanyang magandang adhikain para sa kalikasan,” dagdag nito.

Binigyang diin naman ni Marikina City First District Councilor Willy Chavez ang kahalagahan ng pagbibisikleta upang maging malusog ang pangangatawan.

“Bilang konsehal, hinihikayat natin ang ating mga kababayan na mag-exercise at the same time pangalagaan ang kalikasan. Napapanahon itong bike caravan at kailangan natin ng ganitong klaseng lider tulad ni Senator Alan Cayetano na nagsusulong ng eco-friendly campaign lalo na ngayon mahal ang gasolina,” pahayag nito.

Matapos ang nakakapagod na pagbibisikleta ay nagsalu-salo ang mga siklista sa inihandang boodle fight kung saan naging saksi si Marikina Rep. Bayani Fernando.

Sa Maynila, isa ang 18-anyos na si Phatrick Peramide sa daan-daang dumalo sa nasabing caravan at ang hiling nito ay ang mas ligtas na mga bike lanes para sa mga katulad niyang siklista.

“Sana mas ma-improve pa iyong pag-implement ng maayos ng bike lanes dito sa Metro Manila para sa kaligtasan ng mga bikers at para madami na rin ang maengganyo na magbisikleta na lang at huwag parating nakakotse,” sabi ni Peramide.

“Marami kasi ang nadidisgrasya pa rin kahit may bike lanes kasi may mga motorista na hindi ito sinusunod at kinakain nila kahit ang linyang nakalaan para sa mga siklista na katulad ko,” dagdag pa nito.

Bilang isang lingkod-bayan, suportado ni Gerardo Almanzar ang adhikain ni Cayetano na magkaroon ng isang eco-friendly na kampanya na magandang halimbawa ang ipinakita ng dating Speaker.

“Masaya ako na may katulad ni Senator Alan Cayetano na may adbokasiya na ganito dahil iniisip niya ang kalikasan at ang kinabukasan ng ating bansa. Sana mas marami pa siyang maimpluwensiyahan na mga politiko na dalhin ang ganitong adbokasiya. Mabuhay ka po Senator Alan!” saad niya.

Kasabay ng Maynila at Marikina ay naglunsad din ng kani-kanilang mga caravan ang mga tagasuporta ni Cayetano sa Vigan City sa Ilocos Sur, Urdaneta City sa Pangasinan, Legazpi City sa Albay, Ormoc City sa Leyte, Baguio City, Bacolod City, Cagayan de Oro City, General Santos City, Zamboanga City, at sa mga lalawigan ng Cebu, Iloilo, at Camarines Sur.

Karamihan sa mga lugar na ito ay naging benepisyaryo ng programang Sampung Libong Pag-asa at Sari-Saring Pag-asa ni Cayetano. Libu-libong mga pamilya at maliliit na negosyante ang nakinabang sa dalawang programang ito noong kasagsagan ng pandemya.

Bilang kauna-unahang kandidatong magsasagawa ng ganitong uri ng pangangampanya, sinabi ni Cayetano na hindi siya magsasagawa ng mga motorcade dahil maaksaya ito sa gasolina at nakadadagdag pa sa polusyon.

Noong February 28, isinagawa ng mga cycling groups ang kauna-unahang bike caravan sa Pampanga at Laguna bilang pagsuporta kay Cayetano.

Hinikayat din ng dating House Speaker ang kanyang mga tagasuporta na magtanim ng mga puno at mangrove, magtayo ng urban farms, at gamitin ang social media bilang mga alternatibo sa tradisyunal na pangangampanya.

Pinuri ng iba’t ibang environment groups ang panawagan ng dating Speaker tulad ng EcoWaste Coalition na nagsabing nagpapahayag ito ng kanyang “malalim na pagkalinga sa kalikasan at mahalagang mission na gawing mas malinis, ligtas, at maayos ang kampanya hanggang sa araw na halalan.”

Ayon kay Cayetano, na kasalukuyang nangunguna sa ilang mga survey, nais nitong isulong ang isang “faith-based at values-oriented na pamumuno” sa Senado.

Leave a comment