
Ni NOEL ABUEL
Sinimulan na ng Philippine Red Cross (PRC) ang pagbabakuna sa mga kabataang may edad 5 hanggang 11-anyos laban sa COVID-19.
Ayon kay Senador Dick Gordon, chairman at chief executive officer ng PRC, binigyan na ito ng Department of Health (DOH) ng PRC Logistics & Multipurpose Center (PLMC) kasama ang 3,000 doses ng reformulated Pfizer para sa mga kabataang may edad 5 hanggang 11.
Nabatid na sa unang araw, 50 kabataan ang babakunahan kung saan target ng PRC na mabakunahan ng Pfizer vaccine ang nasa 1,500 kabataan.
Samantala, babakunahan din ng 1st doses ang 650 kabataan sa apat na Bakuna Centers sa Zamboanga, Pangasinan CB Mall, at Tarlac City Walk Mall.
“Napakaimportante na hindi natin mapabayaan ang ating mga kabataan edad 5 hanggang 11 years old ngayong mayroon pa rin pandemic. Kahit na bumababa na ang kaso sa ating bansa, kung walang bakuna ang mga bata, napadelikado nito. Children who will be infected with COVID will get very sick from it and have both short and long-term health complications,” sabi ni Gordon.
Idinagdag pa nito na magpapatuloy ang pagpapadala ng PRC ng Bakuna Buses at ang operasyon ng Bakuna Centers ay magtutuloy din upang makatulong sa national government na mabakunahan ang mga hindi pa rin sumasailalim sa pagbabakuna.
Nabatid na simula Marso ng nakalipas na taon nang simulan ng PRC ang vaccination program nito ay nasa 1,020,230 doses ng COVID-19 vaccines ang naibigay sa 17 Bakuna Buses, 26 Bakuna centers, at Bakuna teams sa iba’t ibang local government units (LGUs) upang paigtingin ang vaccination efforts ng pamahalaan at maproteksyunan ang taumbayan laban sa virus.
