Cayetano isusulong ang Relief, Reform, Recovery bill

Ni NOEL ABUEL

Sinisiguro ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano na isusulong nito ang “Relief, Reform, Recovery” bill sa sandaling mahalal bilang senador sa darating na May elections.

Ayon sa senador, ito ang nakikita nitong solusyon sa patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo matapos ang nararanasang pandemya.

“Kumplikado itong problema na kinakaharap natin. Kaya kailangan extraordinary din ang solusyon,” sabi ni Cayetano.

Paliwanag pa nito na ang “Relief, Reform, Recovery” program ay kahalintulad na ginawa ng Estados Unidos sa naranasang Great Depression noong 1930s.

 Dagdag pa ni Cayetano na ang relief program ay naglalayong ipakalat ang financial incentives at subsidiya sa pamilyang Filipino partikular ang mga apektadong sektor.

 “Example po ng relief [program] ‘yung Sampung Libong Ayuda. Nagawa na natin iyan noong Bayanihan 1, bagkus two gives, P5,000. Ngayon, ang kailangan lang natin, five percent savings ng lahat ng ahensiya ng gobyerno na idedeklara lang ng Malacañang, may P250 billion ka na,” sabi ni Cayetano.

“Then, of course, you need a law kung saan gagamitin ang pera,” dagdag pa nito.

Samantala ang reform program ay naglalayong ipatupad ang mga permanenteng pagbabago sa kasalukuyang sistemang ipinatutupad ng gobyerno, na binansagan ni Cayetano na hindi epektibo para sa mamamayang Filipino.

Inihalimbawa nito ang repormang sinimulan ng Social Security System (SSS) at ng Government Service Insurance System (GSIS) ni Pangulong Rodrigo Duterte para sa taumbayan.

“Another example of a reform ay ‘yung ginawa nila sa SSS at GSIS natin, kung saan mas malaki ang aasahan nila kapag nawalan sila ng trabaho,” aniya.

Tinukoy ni Cayetano ang Administrative Order No. 39 na nilagdaan ni Duterte noong Abril ng nakaraang taon na nagbigay ng one-time P20,000 financial aid sa SSS at GSIS pensioners sa gitna ng pandemya.

Ngunit sa kabila nito, sinabi ng kongresista na nagkulang ang gobyerno ng komprehensibong sistema ng tulong upang matulungan ang mga Filipino sa panahon ng krisis.

Idinagdag pa nito na hanggang sa kasalukuyan ay wala pa ring listahan ang gobyerno ng fuel subsidy grantees sa kabila ng ang sektor ng transportasyon ang tumatanggap ng tulong sa pandemic aid.

“Two years na tayong may pandemic, bakit hindi pa gumawa ng master list ang DOTr?” tanong nito.

Leave a comment