
Ni NOEL ABUEL
Kung si Vice presidential candidate at Senate President Vicente Sotto III ang masusunod, nais nitong gawing P1,000 ang daily minimum wage ng mga manggagawa sa pribadong sektor sa gitna na rin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sa isang panayam sa campaign sortie sa Tuguegarao City, sinabi ni Sotto na ang daily minimum wage sa Metro Manila ay dapat na maging P1,000 para makayanan ng mga manggagawa ang pagtaas ng pangunahing bilihin dulot ng pagtaas ng presyo ng langis.
“If it were up to me, in these trying times, dapat ang minimum wage should be P1,000,” ani Sotto.
Ginawa ni Sotto ang panukala kasunod ng paghahain ng Trade Union Congress of the Philippines (TUCP) ng petisyon sa Regional Tripartite Wage and Productivity Board na dagdag na P470 sa minimum wage of workers sa National Capital Region (NCR).
Sa kasalukuyan, ang minimum wage sa Metro Manila ay nasa P537 kung saan sa tala ng National Wage and Productivity Commission (NWPC), huling tumaas ang suweldo noong Oktubre 30, 2018.
Sinabi pa ni Sotto na ang P1,000 daily minimum wage sa Metro Manila ay maaaring makatulong sa mga manggagawa na harapin ang masamang epekto ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo dulot na rin ng sigalot sa pagitan ng Russia-Ukraine.
