
Ni NOEL ABUEL
Sa kabila ng patuloy na pagbuti ng sitwasyon sa pandemya sa bansa ay dapat na bantayan din ang iba pang banta sa pagbangon ng ekonomiya tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.
Sinabi ni Senador Christopher “Bong” Go na kailangang palakasin ng pamahalaan ang kampanya laban sa mga nagpapahirap sa taumbayan.
“We all know by now that there are other challenges coming our way including the tensions that continue to intensify between Russia and Ukraine. While this may be far from our shores, there are also Filipinos in the said countries and nearby areas who may be directly affected by the conflict,” sabi nito.
Ipinunto ni Go na ang sigalot ay mayroon ding malalim na epekto sa pandaigdigang pamilihan na nagiging pabigat sa taumbayan tulad na lamang ng linggu-linggong oil price hikes.
Dahil sa mga bantang ito, hinimok ng senador ang mga Pinoy na manatiling matatag habang ang gobyerno ay gumagawa ng mga interbensyon upang mabawasan ang masamang epekto ng pandaigdigang krisis sa ekonomiya.
Dagdag pa nito, sang-ayon ito na pansamantalang magkaroon ng moratorium sa koleksyon ng excise taxes sa mga oil products upang matulungan ang publiko na makayanan ang hamon na ito.
“While I understand that there are possible effects on our revenue collection especially now that we are recovering from the COVID-19 pandemic, there has to be a balance in order to protect the welfare of Filipinos especially the poor who are still trying to recover from the COVID-19 crisis,” paliwanag ng senador.
Pahayag pa ni Go na kung kinakailangan ay dapat na magkaroon ng special session ang Kongreso upang harapin ang mga panukalang batas tulad ng pagsasaayos ng mga naaangkop na buwis o pagbibigay ng karagdagang pondo para sa target na suporta sa mga manggagawa partikular sa sektor ng transportasyon.
Nanawagan din ang mambabatas sa pamahalaan na madaliin ang pagpapalabas ng subsidiya para sa mga jeepney drivers na karamihan ay bumabalik pa lamang mula sa epekto ng COVID-19.
