
Ni NOEL ABUEL
Dapat na hintayin muna ng mga local government units (LGUs) ang magiging rekomendasyon ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases bago ikonsidera na ipatupad ang Alert Level 0 sa National Capita Region (NCR).
Ito ang payo ni Senador Christopher “Bong” Go bilang tugon sa pahayag ng mga Metro Manila mayors na nakahanda na ang mga ito na iimplementa ang Alert Level 0.
“We will be guided by evidence-based recommendations of our experts and the IATF. After all, since Day 1 of the pandemic, all our measures are based on good science. Bilang chair ng Senate Committee on Health, dapat patuloy nating maingat na binabalanse ang kabuhayan, ginhawa at kaligtasan ng ating mamamayan,” sabi ng senador.
Paalala nito, hindi pa rin nawawala ang banta ng COVID-19 virus kung kaya’t hindi dapat magpakampante ang lahat na maaari nang hindi sumunod sa health protocols.
“Palakasin pa natin ang pagbabakuna sa buong bansa lalo na sa malalayong lugar. Bago luwagan, siguraduhin muna nating may proteksyon ang ating mga kababayan dahil mahirap magback-to-zero kung biglang kumalat muli ang sakit. Sa ngayon, hintayin muna natin ang rekomendasyon ng IATF at desisyon ni Pangulong Duterte. Tiwala naman ako na kapakanan ng mga Pilipino ang palaging isinaalang-alang sa panahong dahan-dahan at maingat na pagbubukas ng ating ekonomiya,” paliwanag nito.
“At kung sakaling ibaba man nila sa Alert Level 0, dapat patuloy pa rin tayong mag-iingat at huwag maging kumpiyansa hanggang tuluyang matapos ang pandemyang ito,” dagdag pa ni Go.
