

Ni NERIO AGUAS
Arestado ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang South Koreans na wanted sa bansa nito dahil sa pagkakasangkot sa large-scale fraud.
Sa ulat na tinanggap ni Immigration Commissioner Jaime Morente, nadakip ang nasabing dalawang alien fugitives na nakilalang sina Son Hyungjun, 36-anyos, at Choi Jong Bok, 40-anyos, sa magkahiwalay na operasyon sa Pampanga.
Ayon kay BI-FSU acting chief Rendel Ryan Sy, unang nadakip si Son sa Angeles City,na sinasabing miyembro ng telecommunications fraud syndicate na nanloko at nakatangay ng mahigit sa 22 million won, o katumbas ng halos US$18,000 sa mga naging biktima nito.
Nabatid na may arrest warrant mula sa Busan district court sa South Korea si Son at ang mga kasabwat nito ay nagtatago sa China kung saan dito ginagawa ang pambibiktima sa mga Koreans sa pamamagitan ng voice phishing.
Samantala, naaaresto naman si Choi, sa Porac, Pampanga, na wanted sa kasong swindling na tumangay ng nasa P7 milyon na fraudulent stock investment scheme.
Si Choi ay nadakip sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ng Nambu district court sa Seoul kung saan ito kinasuhan ng fraud.
Sa record ng BI, ang dalawang Korean nationals na nadakip ay ikinonsiderang undocumented aliens matapos bawiin ng South Korean government ang pasaporte ng mga ito.
Kasalukuyang nakakulong sa BI warden facility sa Camp Bagong Diwa, Taguig City ang nasabing mga dayuhan habang inihahanda ang deportation proceedings laban sa mga ito.
