2022 elections dapat maging maayos at malinis – Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si Senador Christopher “Bong” Go sa mga kumakandidato para sa May 2022 elections na tuparin ang pangakong magiging maayos ang pangangampanya ngv mga ito upang masiguro na ang resulta ng eleksyon ay kagustuhan ng mga botante.

Ayon sa senador, mismong si Pangulong Rodrigo Duterte na aniya ang nagsabing ang 2022 ay magiging tahimik at maayos kung susunod lamang ang mga kandidato sa itinatakdang maaliwalas na eleksyon.

Inaalala pa ni Go ang utos ni Pangulong Duterte kamakailan sa Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) na tulungan ang Commission on Elections (Comelec) upang masiguro na walang mangyayaring kaguluhan na may kaugnayan sa eleksyon.

“Sabi niya sisikapin niya na maging malinis at credible ang eleksyon na ito. Inatasan na niya ang militar at pulis during his previous meetings na dapat maging credible ang eleksyon na ito at malinis,” sabi ni Go matapos ang ceremonial turnover ng financial assistance na nagkakahalaga ng P450 milyon sa Malasakit Center sa loob ng Southern Philippines Medical Center sa Davao City noong Marso 14.

“Sabi naman ni Pangulohindi naman niya ma-aassure … pero sisikapin niya na walang magiging takutan, panghahasik sa mga kandidato. Dapat patas po ang lahat,” sabi ni Go.

Sa hiwalay na panayam, ibinulgar ni Pangulong Duterte na nakatanggap ito ng impormasyon mula sa intelligence community na may insurgency at iba pang grupo na umano’y nagtutulungan para guluhin  umano ang eleksyon.

Ngunit tiniyak naman ng Pangulo na hindi nito kukunsintihin o papayagan ang anumang uri ng karahasan at hindi maayos na gawi.

Binigyan-diin pa ni Go ang responsibilidad na ibinabahagi ng mga kandidato na sumunod sa mga legal na mekanismo at iginit ng senador na pagtibayin ang pangako ng mga kandidato na isang mapayapang kampanya at magpadala ng malinaw na mensahe sa kanilang mga tagasuporta na tanggihan ang anumang gawaing illegal lalo na ang karahasan at pandaraya.

“Kami naman sa Senado ay magiging miyembro, magko-conduct ng official canvassing ng presidential at vice presidential election results. Sisiguraduhin namin na magiging maayos ang lahat. Bilang isang senador, magtatrabaho kami. Ang importante dito ang will of the people, respetuhin natin,” ayon pa kay Go.  

Leave a comment