P200 ayuda kakarampot lang, kulang pang pambili ng itlog — solons

Senador Francis “Kiko”Pangilinan

Ni NOEL ABUEL

Umani ng reaksyon mula sa ilang senador ang desisyon ni Pangulong Rodrigo Duterte na bigyan ng P200 kada buwang ayuda ang mahihirap na pamilya sa bansa.

Ayon kay Senador Kiko Pangilinan, nagtataka ito na sa kabila ng bilyun-bilyon umano ang kinikita ng pamahalaan mula sa fuel tax ay kakarampot lang ang pondong itutulong sa mamamayan na ngayon ay naghihikahos dahil sa patuloy na pagtaas ng bilihin dahil na rin sa hindi maawat na pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo.

“Matapos ang 11 linggo ng pagtaas ng presyo ng langis, may ayuda na ang gobyerno sa mahihirap. Pero magkano? Ang panukalang P200 kada buwan ay katumbas lang ng P6.66 sa isang araw. Kulang pa ito sa minimum na pamasahe sa jeep at sa bus. Hindi pa makakabili ng isang pirasong itlog. Ginagawa namang mas kaawa-awa ang ating mga kababayan,” pahayag nito.

“Bakit tinitipid ang mahihirap gayung bilyon-bilyon ang kita sa fuel taxes? Paano nasisikmura ng gobyerno na kumita ng ganito kalaki habang ang pinipiga naman ay ang mahihirap,” tanong pa ni Pangilinan.

Ayon sa Department of Finance (DOF), nasa P143.9 bilyon ang koleksyon sa excise tax sa produktong petrolyo noong 2021 at dahil sa tuluy-tuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina, nasa P3 bilyon naman ang excess VAT collection nito lamang Enero at Pebrero ng kasalukuyang taon.

“Muli, panawagan natin na suspindihin ang excise tax sa langis. Bababa ang presyo ng produktong petrolyo, mas marami ang makikinabang, makakagaan ito nang kaunti sa araw-araw na paghihirap ng ating mga kababayan,” aniya pa.

Sinabi naman ni Senador Panfilo Lacson na ang pansamantalang pagsuspende sa excise tax sa langis ang dapat na gawin ng pamahalaan.

“Against P200 per month, napakaliit. ‘Di kakayanin ‘yun, ‘di makakasapat,” ayon sa presidential candidate na si Lacson.

Ayon naman kay Senador Grace Poe, mula sa 11 linggong sunud-sunod na pagtaas ng presyo ng langis, kakarampot ang P200 kada buwang ayuda para sa mahihirap na pamilya.

“Sa halagang P6.66 kada araw, hindi man lang ito sasapat para sa isang sakay sa dyip. Karapat-dapat tumanggap ang taumbayan ng higit pa rito sa gitna ng hagupit ng paglaki ng mga bayarin, kawalan ng trabaho at patuloy na epekto ng pandemya,” sabi nito.

 “Hindi dapat tipirin ng gobyerno ang pagbibigay ng tulong sa ating mga mamamayan upang mapakain nila ang kanilang mga pamilya, makapamuhay ng marangal, makabalik sa hanapbuhay nang ligtas at mapanumbalik ang sigla ng ekonomiya,” dagdag pa ni Poe.

Aniya, umaasa itong isususpende ang excise tax para mapababa ang halaga ng petrolyo.

Maaari rin din aniyang dagdagan ang P200 kada buwang ayudang hindi sapat para maitawid ang ating mga kababayan sa kanilang mga pangangailangan.

Leave a comment