
Ni NOEL ABUEL
Suportado ni Senador Joel “TESDAMAN” Villanueva ang panukala ng National Economic Development Authority (NEDA) na mag-implementa ng alternative work arrangements para tugunan ang pagtaas ng presyo ng langis.
“Isa sa pinakamainam na interventions mula sa gobyerno ang implementasyon ng flexible working arrangements. Napapanatili nito ang productivity ng negosyo at napoprotektahan ang kapakanan ng manggagawa, habang nakakatipid sa konsumo ng langis,” paliwanag ng senador.
Iginiit muli ni Villanueva ang panawagan nito sa Department of Labor and Employment (DOLE) na makipag-ugnayan sa mga negosyo para sa full implementation ng Work From Home Law, na naisabatas noon pang 2018.
“Makabuluhan ang Telecommuting o Work From Home Law bago pa man magkaroon ng pandemya sapagkat isa sa mga pangunahing dahilan sa pagsasabatas nito ang mataas na presyo ng langis. Hindi pa rin po nawawala ang problema sa presyo ng langis at sa traffic, kaya isang paraan ang WFH para mag-adjust at mag-cope,” ayon pa sa senador.
Sinuportahan din Villanueva, chair ng Senate committee on labor, employment, and human resources ang rekomendasyon ng NEDA para sa four-day workweek para magpatuloy ang ekonomiya sa gitna ng krisis sa langis.
Inihain ni Villanueva ang Senate Bill No. 153 na pinapayagan ang mga negosyo na mag-implement ng alternative work arrangements, gaya ng pagbabawas ng araw ng trabaho.
Nakasaad dito na aamiyendahan nito ang Labor Code para payagan ang alternative work arrangements hangga’t hindi lumalampas ng 48 na oras ang kabuuang work week, alinsunod sa patakaran ng overtime pay, night shift differential, at iba pang benepisyo.
Ang iba pang halimbawa ng alternative work arrangements ay ang compressed workweek, rotation ng mga manggagawa sa loob ng workweek, flexible holiday schedules, at flexible time.
Inaasahan ng senador na maipasa ang batas na ito sa susunod na Kongreso.
“Sa ngayon, pamilyar na ang mga negosyo at manggagawa sa alternative work arrangements. Trabaho natin na pagtibayin ang kanilang kontribusyon sa ekonomiya, at ginagawa natin ito sa pagpapagaan ng mga pasanin ng presyo ng langis pati na rin ang pang-araw-araw na commute. Paraan din ito para lumuwag ang gastos sa transportasyon ng ating mga manggagawa, at magugol ito sa iba pang gastusin,” pahayag pa nito.
“Sa ganitong paraan, binabalanse natin ang pangangailangan ng negosyo sa krisis na ito. Tintulungan na rin natin ang work-life balance ng ating mga manggagawa,” dagdag ng senador.
Inulit din ni Villanueva ang kanyang panawagang masiguro ang P5 bilyon na pondo sa ilalim ng Unprogrammed Funds ng 2022 National budget na nakalaan para sa fuel subsidies, at maibigay na ito sa mga vulnerable sectors.
Sinabi ng senador na prayoridad ang mga sektor ng transportasyon, agrikultura, at fisheries para rin mabawasan ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin.
