2 Chinese nationals kalaboso ng BI

Ni NERIO AGUAS

Nadakip ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) ang dalawang Chinese nationals na pawang illegal aliens at illegal na nagtatrabaho sa bansa.

Sa report ni BI Intelligence Division Chief Fortunato Manahan, Jr. kay BI Commissioner Jaime Morente, nakilala ang mga dinakip na Chinese nationals na sina Yuehui Li, 54-anyos, na pansamantalang naninirahan sa Purok 2 Mangga, New Visayas, Panabo City at Jianren Zhao, 55-anyos, pansamantalang naninirahan sa Bingcungan, Tagum City.

Nabatid na nagsagawa ng operasyon ang Mindanao Intelligence Task Group (MITG) sa pamumuno ng hepe nitong si Melody Gonzales sa bisa ng mission order na inilabas ni Morente laban sa nasabing mga dayuhan.

Sa BI records, natuklasang maliban sa illegal na nagtatrabaho sa bansa si Yuehui ay natuklasang overstaying na ito sa loob ng dalawang taon.

Ayon kay Gonzales, bago ang pagkakadakip sa nasabing dayuhan ay isang Pinay na nagpakilalang translator nito ang nagtangkang harangin ang pag-aresto kay Yuehui dahilan upang humingi ng tulong ang MITG sa Philippine National Police (PNP) para maaresto ang nasabing Pinay.

Sa huli ay itinuro nito kung saan nagtatago si Yuehui.

Sinabi naman ni Gonzales na ipaghaharap ng kasong obstruction of justice ang di pinangalanang Pinay dahil sa pagtatago sa isang illegal alien.

Samantala, nahuli si Jianren habang nagbabantay sa isang hardware store kung saan nang siyasatin ay natuklasan na overstaying na ito ng tatlong buwan.

Leave a comment