
Ni NOEL ABUEL
Para sa dating House Speaker Alan Peter Cayetano, ang nationwide bike caravan noong Lunes, na inorganisa ng kanyang mga taga-suporta ay simula pa lamang ng mas eco-friendly campaign na maaaring magbigay inspirasyon sa mga tao na suportahan hindi lamang ang kanyang kandidatura para sa Senado kundi ang kanyang pagtulak ng isang kampanyang nagbibigay-halaga sa kalikasan.
“It’s a big sacrifice but it’s a small step in future campaigns,” wika ng dating Speaker sa isang panayam ng media hinggil sa libu-libong siklista na sumali sa nationwide bike caravan bilang suporta sa kanyang kampanya sa pagbabalik sa Senado.
“We’re hoping we can do more creative campaigns like this…I’m hoping people will support not only me but the way we’re campaigning now,” aniya.
Ayon kay Cayetano, sadyang mahirap ang hindi paggamit ng mga tradisyonal na materyales sa kampanya, kaya ang mga siklista ay nagpakita ng kanilang pagkamalikhain at pagiging maparaan.
“Mahirap mangampanya na walang posters, walang flyers, walang motorcade…So I’d really like to thank ‘yung mga siklista natin, kasi nag-volunteer sila all over — from Vigan all the way to Zamboanga,” wika niya.
Ang nationwide bike caravan ay ginanap nang sabay-sabay noong Marso 14, 2022 sa 14 na lugar sa buong bansa, bilang tugon sa panawagan ni Cayetano para sa isang eco-friendly campaign.
Kabilang sa 14 na lugar ay ang Vigan City sa Ilocos Sur, Urdaneta City sa Pangasinan, Legazpi City sa Albay, Ormoc City sa Leyte, Baguio City, Bacolod City, Cagayan de Oro City, General Santos City, Zamboanga City, Manila City, Marikina City, at mga probinsya ng Cebu, Camarines Sur, at Iloilo.
Bilang unang kandidato na naglunsad ng isang eco-friendly, “lead-by-example” campaign, hinimok ni Cayetano ang kanyang mga tagasuporta na huwag mag-motorcade o gumawa ng iba pang aktibidad na maaaring maging sanhi ng polusyon.
Aniya, naglunsad ito ng isang eco-friendly na kampanya pagkatapos na mapagtanto na malaking basura at polusyon ang dulot ng tradisyunal na pamamaraan ng kampanya.
Noong 2019 elections, nakakolekta ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng kabuuang 200.37 tonelada – katumbas ng 29 na garbage trucks – ng mga materyales na may kaugnayan sa halalan o election-related waste mula Marso 1 hanggang Mayo 16 sa Metro Manila lamang.
Habang noong 2016 elections, umabot sa 206.61 tonelada ang mga election-related waste sa Metro Manila– katumbas ng 34 na trak ng basura.
“[We] were thinking how we can lead by example kung napakaraming basura ang ating ige-generate during the campaign, lalo na iyong single-use lang [tulad] ng kalendaryo na nagagamit throughout the year, y’ung mga polyetos, posters, and ganoon din sa motorcade… it’s expensive sa gasoline, madumi sa hangin,” sabi ng dating Speaker.
Sa halip umanong ibasura at iba pang aktibidad na nakakasama sa kalikasan, dapat “more interviews, use of social media, and more face-to-face interaction” ang plataporma ng pangangampanya.
Sa kabila ng mga hirap ng isang eco-friendly campaign, sinabi ni Cayetano na nagiging mas malikhain at maparaan ang kanyang mga tagasuporta.
“May nag-propose na nga ngayon, clean-ups naman. Magpupunta sa mga beach or river areas, magki-clean up sila as part of the campaign. Kung ganito magiging campaign, it will not only be fun, but it will also be very meaningful,” dagdag pa ni Cayetano.
