
Ni NOEL ABUEL
Iginiit ni Senador Panfilo Lacson na kung hindi man isususpinde o ipatitigil ng Executive Department ang operasyon ng e-sabong ay mas mainam na magpatupad ng istriktong panuntunan para rito.
Ayon kay Lacson, may social cost na kapalit ang patuloy na pamamayagpag ng e-sabong lalo na sa mga bata at matatanda na malululong sa sugal na ito.
“At least man lang strict regulation. Huwag 24 hours. Dapat mahigpit regulatory authority ng Pagcor,” dagdag pa nito.
Paliwanag pa ng senador, mapanganib ang maaaring maging resulta ng pagpapatuloy ng e-sabong lalo na’t may mga ulat na may ilang overseas Filipino worker (OFWs) na hindi nakakauwi dahil sa utang mula sa pagsusugal o kaya naman ang mga magulang mismo ang sumasalo ng pagkakautang ng anak mula sa e-sabong.
Mayroon din aniyang mga ulat na nagpapakamatay dahil dito maging ang mga napapaulat na pulis na nagnanakaw sa convenience store para makabayad sa utang.
“Ito ang hindi tangible pero lumalabas na may nangyayaring actual problema sa e-sabong,” giit ni Lacson.
Dagdag pa nito na P1.6 bilyon na kita sa e-sabong kada araw ay nanggagaling sa mga ordinaryong Pilipino na nalulong na sa sugal na ito.
Para sa senador, maraming mas maayos na paraan para makalikom ng pondo tulad ng tamang pagpapatupad ng batas sa buwis, at pagrerepaso sa mga batas tulad ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN) Law.
Pagbabahagi ng senador, nagpanukala sya na amyendahan ang TRAIN law para mabawasan ang exemptions sa Value-Added Tax ngunit mas marami ang bumoto sa Senado laban dito. Kabilang din sa posibleng gawin ng gobyerno ang pag-digitalize ng mga transaksyon sa gobyerno para masiguro na wala nang magiging puwang ang human intervention at korapsyon sa mga proseso ng gobyerno.
