
Ni NOEL ABUEL
Muling umapela si Senador Christopher “Bong” Go sa Philippine Sports Commission (PSC) na madaliin ang pagpapalabas ng resolusyon sa patuloy na sigalot sa pagitan ng Philippine Athletics Track and Field Association (PATAFA) at ni national pole vaulter and Olympian Ernest John “EJ” Obiena.
Sa isang panayam kasabay ng pagbubukas ng Davao Occidental General Hospital sa Malita, dismayado si Go sa PATAFA dahil sa pagiging sagabal nito kay Obiena para makapaglaro at sumali sa World Athletics Indoor Championships na gaganapin sa Belgrade, Serbia ngayong buwan.
“Ako po, full support ako sa mga atleta. Pero sana naman po tama na po ‘yung pulitika. Ang ibig sabihin, kung maaari po ay magkaisa kayo para sa ating bansa dahil may mga future competitions pa tayong inaasahan at may potential po itong si Obiena,” apela pa ni Go.
“Ang akin naman po rito, kung maaari lang po hayaan n’yo na lang po sa politiko ‘yung pulitika. Huwag n’yo na pong ihalo sa sports dahil kawawa po ‘yung atleta. Nakikiusap po kami sa inyo, magkaisa na po kayo,” apela pa nito.
Una nang pinulong ni Go ang Senate Committees on Sports and Finance hinggil sa sigalot ng PATAFA at ni Obiena kung saan inirekomenda nito sa PSC na agad makipag-ugnayan sa National Sports Associations (NSA) at Philippine Olympic Committee (POC) upang agad na malutas ang sigalot upang maiwasan na muling maulit ito.
“Tapusin n’yo na po ‘yung problema diyan. Alam n’yo naman talaga… sa totoo lang, kung gusto n’yo talagang ayusin kaya ninyong ayusin. Kung mayroong mag-give way sa isa’t isa. Iyon lang po ang pakiusap ko po sa inyo. Magkaisa po kayo, ayusin n’yo po,” giit ng senador.
