5-year plan sagot sa pag-unlad ng bansa — Cayetano

Rep. Alan Peter Cayetano

Ni NOEL ABUEL

Nanawagan si dating House Speaker Alan Peter Cayetano para sa isang five-year plan upang palakasin ang local government spending sa mga growth area sa buong bansa.

Ayon kay Cayetano, kailangang ikalat nang mas pantay-pantay sa mga rehiyon ang pag-unlad.

“Kailangan nating baguhin ‘yung local government at ‘yung internal revenue allotment, at ‘yung may potential katulad ninyo na nakapaligid sa Clark, madagdagan ‘yung budget ng probinsya ninyo ng five-year plan – ‘yung regular plus ‘yung extra – para makadiskarte kayo,” wika ni Cayetano nang humarap sa mga lokal na pinuno mula sa Tarlac City sa isang seminar sa Tagaytay City, Cavite.

Paliwanag pa ng dating speaker na ang pagtutok sa mga growth area tulad ng Clark sa Central Luzon at pagbibigay kapangyarihan sa mga katabing lungsod tulad ng Tarlac City sa pamamagitan ng five-year plan at karagdagang pondo para sa mga target na programa ay makakatulong sa pagpapaliit ng agwat sa pagitan ng mga urban at rural na bahagi ng bansa.

“Kung bibigyan ka ng extra na budget, marami kang magagawa,” sabi niya.

Binanggit ni Cayetano ang isang katulad na programa na ipinapatupad sa mga lungsod sa Japan na nagbibigay ng pera sa mga lokal na pamahalaan para sa pagpapaunlad sa loob ng lima hanggang anim na taon.

Sinabi pa nito na ang five-year plan na kanyang iminumungkahi ay dapat mapunta sa pagbuo ng mga health centers sa lahat ng mga barangay sa bansa gayundin ang pagtugon sa mga pangangailangan ng tauhan ng mga bagong health centers, bukod sa iba pang mga programa na idinisenyo upang mailapit ang kaunlaran sa mga tao sa kanayunan.

Ayon pa kay Cayetano, ang lahat ng aktibidad na ito sa pagpapaunlad sa antas ng lokal na pamahalaan ay dapat magabayan ng isang “national minimum necessities program” na naglalayong magtatag ng pamantayan para sa kalusugan, edukasyon, at iba pang frontline services ng gobyerno sa lahat ng bayan at lungsod sa buong bansa.

“That’s a few things na kung papayagan ninyo, I want to do and help you in the Senate. Naiisip namin ang isang puso-sa-pusong partnership sa pagitan ng lokal at pambansang pamahalaan,” sabi ng png senatorial candidate.

Ayon kay Cayetano, na naghahangad na bumalik sa Senado sa isang faith-based at values-oriented policy agenda, dapat gamitin ng pambansang pamahalaan ang mga teknolohiyang makakatulong sa mga bayan at lungsod sa paghahatid ng mga serbisyo nang mas epektibo.

Ibinahagi ni Cayetano ang karanasan ng kanyang sariling lungsod, ang Taguig, na nagtatag ng Integrated Survey System na nagpapahintulot sa City Hall na malaman nang maaga ang mga pangangailangan ng mga residente.

Ang Taguig City Integrated Survey System ay nagresulta rin sa isang komprehensibong database ng mga residente na magagamit ng lungsod upang maihatid ang mga serbisyong pinondohan ng pambansang pamahalaan, tulad ng pamamahagi ng cash aid at welfare benefits sa unang taon ng pandemya.

Sinabi ni Cayetano na ang mga lokal na pamahalaan ay maaaring bumuo ng mga katulad na database at iugnay ang impormasyon ng kanilang mga residente sa kanilang mga national identification card.

Aniya ang mga ideyang ito para sa mga lokal na pamahalaan ay simpleng mga patakaran na gumana sa ibang mga lungsod at bansa, at kailangan lamang iakma ng mga lokal leaders ang mga patakarang ito sa mga partikular na pangangailangan ng kanilang mga lugar.

Leave a comment