Manggagawang nagkasakit ng Covid-19 benepisyaryo ng kompensasyon — ECC

Ni NERIO AGUAS

Inihayag ng Employees Compensation Commission (ECC) na ang mga manggagawang nagkasakit ng Covid-19 na may kaugnayan sa trabaho ay maaaring tumanggap ng benepisyo sa ilalim ng Employees’ Compensation Program sila man ay naospital o hindi.

Ito ang sinabi ni ECC Executive Director Stella Zipagan-Banawis sa mga tanong ng mga manggagawang nagkasakit ng Covid na may kaugnayan sa trabaho ngunit hindi naospital.

“Simula pa ng 2020 ay nagbigay na ng benepisyo ang ECC para sa mga nagkasakit ng Covid-19 na may kaugnayan sa trabaho sa ilalim ng teoryang “increased risk” kung saan ang pagkakasakit ay maaaring mabayaran sa kondisyon na ito ay makapagbibigay ng sapat na katibayan na ang pagkakasakit ay may kaugnayan sa kanyang trabaho,” sabi ni Banawis.

Noong Abril 6, 2021, inaprubahan ng ECC ang Board Resolution No. 21-04-14, kung saan kasama ang Covid-19 sa listahan ng occupational and work-related disease.

“Habang patuloy na tumataas ang bilang ng mga manggagawang nagkakasakit ng Covid-19, nais naming paalalahanan ang lahat na maaaring mabayaran ang magkakasakit ng Covid-19 anuman ang kalubhaan nito at kung ang manggagawa ay naospital, gumaling sa isang quarantine facility, o sumailalim sa home isolation,” ayon pa kay Banawis.

“Binibigyan-diin namin na ang benepisyong Employees Compensation Program (ECP) ay iba pa sa benepisyong ibinibigay ng PhilHealth, ng Social Security System (SSS) at ng Government Service Insurance System (GSIS).  Hindi rin kailangang ubusin ng empleyado ang kanilang sick leave credit upang makatanggap ng benepisyong EC,” dagdag pa nito.

Sa ilalim ng EC Program, ang manggagawang nagkasakit ng Covid-19 dahil sa trabaho ay maaaring makatanggap ng mga benepisyo ng EC benefit tulad ng EC daily sickness, medical at disability benefit.

Sa kabilang banda, ang mga kwalipikadong dependent ng manggagawang nasawi dahil sa Covid-19 na nauugnay sa kanyang trabaho ay maaari ring tumanggap ng EC death na may benepisyo sa pagpapalibing.

Inihahain ang aplikasyon para sa EC sa SSS para sa mga empleyado ng pribadong sector at sa GSIS para sa mga empleyado sa pampublikong sector.

Leave a comment