
Ni RHENZ SALONGA
Bibigyan ng parangal ng pamahalaang Lungsod ng Caloocan sa darating na Lunes, Marso 21, 2022 ang mga natatanging frontliners para sa taong ito kaugnay ng selebrasyon ng Frontliners’ Day sa lungsod.
Pangungunahan ni Mayor Oca Malapitan at ng may-akda ng Frontliners Day ordinance na si Councilor Vince Hernandez ang pamamahagi ng parangal bilang pagkilala sa mga nagawang magandang serbisyo sa panahon ng pandemya.
Nasa 17 frontliners na nagpamalas ng kanilang hindi matawarang serbisyo at sakripisyo ang tatanggap ng parangal ng kabilang ang mga doktor, pulis, bumbero, emergency responder, security guard, vaccination personnel, swabbing personnel, tricycle driver, at media practitioner.
Kasama rin sa bibigyan ng parangal ang ilang samahan o organisasyon na nagpakita ng suporta sa pamahalaang lungsod sa gitna ng patuloy na laban sa COVID-19 pandemic.
“Napakalaki ng sakripisyo ng ating mga frontliners upang mapabuti ang ating sitwasyon sa laban kontra COVID-19. Taos-pusong pasasalamat sa kanilang hindi matatawarang serbisyo,” pahayag ni Mayor Malapitan.
Samantala, ayon kay Councilor Hernandez, ang pangunahing may-akda ng ordinansa at siya ring Pangulo ng Sangguniang Kabataan Federation ng lungsod, ang Caloocan Frontliners’ Day na isisasagawa tuwing Marso 15 kada taon ay simbolo ng pagpupugay para sa kabayanihan ng mga frontliners.
“Gusto rin natin ipaabot ang ating pakikiramay, simpatiya at pagsaludo sa pamilya naman ng mga frontliners na namatay sa gitna ng pandemya. Saludo po kami sa inyong lahat,” ani Hernandez.
Matatandaan na ang kauna-unahang Frontliners’ Day ay makasaysayang ginunita sa Caloocan noong isang taon.
At ngayon taon ay mismong si dating Senador at presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang nais na ideklarang Frontliners Day tuwing Marso 15 na bawat taon.
