

Ni NOEL ABUEL
Nagpahayag ng suporta ang ilang mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) sa kandidatura nina Lakas-Christian Muslim Democrats (CMD) vice presidential candidate Davao City Mayor Sara Duterte at dating Senador at presidential candidate Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr.
Sa pamamagitan ng inilabas na manifesto ng dalawang grupo ng mga retiradong senior officers kabilang ang mga heneral at non-commissioned officers ng AFP at PNP, nanindigan ang mga ito na makakaasa ng suporta ang presidential at vice presidential bids ng UniTeam tandem.
“We firmly believe the UNITEAM tandem of Senator Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos and Mayor Sara Duterte-Carpio will promote national unity, from the northern islands of Batanes, to the southernmost part of Tawi-Tawi,” sa manifesto ng For National Unity, For Peace, and For Inclusive Progress na nilagdaan ng nasa 486 retired senior officers.
“We laud the long-term plan of the UniTeam of Senator Ferdinand “Bongbong Marcos Jr. and Mayor Sara Duterte-Carpio, which we believe will bring the Philippines back to its former glory,” dagdag pa nito.

Kabilang sa mga lumagda sa nasabing manifesto sina dating Philippine Navy Chief retired Vice Admiral Ernesto de Leon, retired Marine Commandant Major Gen. Edgardo Espinosa, retired Army Lt. Gen. Raul Urgello at retired Major Gens. Eduardo Matillano at Rodrigo De Gracia, kapwa ng PNP.
Sa kabilang banda, kasama rin sa lumagda sa manifesto ang ilang enlisted personnel na naniniwala umano kina Marcos at Duterte na magpapatuloy sa “whole of nation” approach laban sa counterinsurgency at counterterrorism operations.
“Kay Bongbong Marcos na dati ring sundalo at si Sara Duterte na isang reservist kami nakakasiguro na magiging epektibo ang kanilang liderato sa larangan ng pambansang seguridad, kapayapaan, kaayusan ang kaunlaran na siyang matagal ng inasam asam ng mamamayang Pilipino,” ayon sa manifesto ng 380 non-commissioned officers.
“Sa UniTeam lang naming nakikita na pangangalagaan nila ang Sandatahang Lakas ng Pilipinas at ang pambansang kapulisan. Naniniwala kami na pangangalagaan din nila ang kapakanan ng sundalo at pulis at hindi ang mga kaaway ng bansa,” ayon pa sa mga ito.
Ibinigay ng dalawanng grupo ang kanilang suporta kina Duterte at Marcos, na tinanggap sa pamamagitan ng paglagda sa isang pagpupulong sa Arms Corporation of the Philippines (ARMSCOR) sa Marikina City na pinangasiwaan ng “Next Gen for BBM-SARA.”
Ang Next Gen ay isang alyansa ng susunod na generation of leaders na makikipagtulungan sa pribadong sektor, komunidad, at grupo ng mga katutubo na sumusuporta sa halaga at programa ng UniTeam tungo sa mas malakas at nagkakaisang kinabukasan.
“Magandang hapon sa inyong lahat. Unang-una po ang pagpapasalamat namin sa Tuason family, sa inyo pong pagtanggap dito sa amin dito at sa inyo pong pagpapakita po ng suporta sa UniTeam nina Bongbong Marcos at Sara Duterte at sa lahat po ng ating retired officers from the Armed Forces of the Philippines (AFP) and the Philippine National Police (PNP). Nagpapasalamat po kami sa pagpapakita ninyo ng mainit na suporta sa UniTeam nina Bongbong Marcos at Sara Duterte. I hope that we will be able to make it this election and we solicit your continued support sa trabaho po namin para sa ating bansa. Mahalin po natin ang pilipinas, magandang hapon sa inyong lahat,” pahayag ni Duterte, ng isang reserve Army Colonel na nagpasalamat sa nasabing mga grupo.
Nakipagpulong din sina Marcos at Duterte kina retired military officers at Medal of Valor Awardees, Army Brig. Gen. Leopoldo Diokno, Lt. Gen. Arturo Ortiz, Marine Col. Ariel Querubin, at Brig Gen. Noel Buan.
