Senado tuloy sa pagtalakay sa panukalang batas na may kinalaman sa kalusugan –Sen. Go

Senador Christopher “Bong” Go

Ni NOEL ABUEL

Tinitiyak ni Senador Christopher “Bong” Go na patuloy na pinag-uusapan sa Senado ang ilang panukalang batas na naglalayong mapabuti ang paghahatid ng sebisyo sa pangangalaga at sa kalusugan ng publiko lalo na sa mga lugar kung saan ang mga lokal na komunidad ay nalilimitahan ng kapasidad at pondo.

Sa isang panayam pagkatapos ng relief operation sa San Isidro, Davao Oriental, tiniyak ni Go na maraming bayarin sa ospital ang aayusin sa mga susunod na linggo.

Nauna nang inaprubahan ng Senado sa ikatlo at huling pagbasa ang 15 local hospital bills na inihain ni Go bago mag-adjourned ang Kongreso mula Pebrero 5 hanggang Mayo 22.

“Mayroon pong iba’t ibang mga health-related bills. Marami pang ihi-hear kami next week tulad ng mga local hospital bills. Iyong iba naman, iyong mga bagong local government unit- at Department of Health-run hospitals na isinulong ng Lower House, ite-take up namin ‘yan sa Senado,” sabi ni Go, ang chairman ng e Senate Committee on Health.

“Noong nakaraang budget deliberation, may isinulong ako na mga Super Health Centers. Parang mas malaki siya sa rural health units, about 500 square-meters na building. Para ito sa mga lugar na mga walang provincial hospital,” dagdag pa nito.

Sinabi pa ng senador na sa kasalukuyan ay mayroong P3.6 bilyon na magagamit sa 2022 Health Facilities Enhancement Program para sa pagtatayo ng 305 Super Health Centers.

Ito aniya ay upang mapalawak ang access sa abot-kaya at comprehensive medical care kung saan ang mga Super Health Centers ay itatayo sa bawat rehiyon sa buong bansa.

Ang Super Health Center ay mag-aalok ng iba’t ibang serbisyo kabilang ang laboratoryo at diagnostic care, pharmaceutical care, birthing units, out-patient services, vaccination services at dental services.

Kaugnay nito, muling iginiit ni Go na ipasa na ang Senate Bill No. 2155, ang panukalang inihain nito para sa pagtatayo ng Virology Science and Technology Institute of the Philippines (VIP).

Layunin nito na bumuo ng bakuna laban sa mga virus at magsisilbing principal laboratory ng bansa sa pagbibigay ng virology laboratory investigations, research, at technical coordination sa buong n network ng virology laboratories sa buong bansa. “Dapat handa tayo para hindi tayo mabigla dahil hindi naman natin masabi kung ito na ba ang huling pandemya na darating sa buhay natin. Mas mabuti na handa tayo. Eh, kung mas mabuti nga magkaroon tayo ng sarili nating bakuna para hindi tayo umaasa sa ibang bansa. Mas mabuti na ‘yun, ‘yung lagi tayong handa,” paliwanag ni Go.

Leave a comment