Pagpapahusay sa healthcare system sa rural areas siniguro ni Senador Bong Go

Ni NOEL ABUEL

Sinisiguro ni Senate Committee on Health chairman at Senador Christopher “Bong” Go na patuloy nitong isusulong ang mas mahusay na serbisyo sa pangangalaga sa kalusugan ng mga Filipino sa buong bansa partikular sa malalayong lugar.

Ginawa ng senador ang pahayag kasabay ng personal na pagsaksi nito sa  New Capitol Building sa Palo, Leyte kung saan sinaksihan nito ang pamamahagi ng financial assistance mula sa Office of the President (OP) para sa health sector sa mga probinsya ng Leyte, Southern Leyte, Biliran, Samar, Eastern Samar at Northern Samar.

“Ako po sa Senado, ipinaglalaban ko po ang increasing bed capacities ninyo, lahat ng mga hospital bills… Naintindihan ko na mahalaga talaga ang establishing new hospitals dahil may mga lugar talaga na malayo, mahirap. Tulad sa Davao Occidental, 200 kilometers away from Regional Hospital. Ang layo no’n, maghihingalo na ang pasyente bago nila magamot. So the more na we should invest right sa ating healthcare system. Ako bilang inyong Committee Chair sa Senado, patuloy ko pong ipaglalaban,” ani Go.

“Bahala na pong magdebate kami ng isang linggo, isang buwan diyan (sa Senado)… hindi naman po importante na manalo ka sa debate, importante kung ano ang nasa puso mo. Kung talagang desidido ka talagang tumulong lalung-lalo na sa mga mahihirap nating mga kababayan,” dagdag pa nito.

Nagkakahalaga ang tulong sa kabuuang P792.5 milyon na nagmula sa Socio-Civic Projects Fund ng OP at kasama sa susuportahan ang mga proyekto sa pagpapaunlad ng kalusugan ng dalawang ospital sa Leyte na Governor Benjamin T. Romualdez General Hospital at Schistosomiasis Center sa Palo, at ang Eastern Visayas Medical Center sa Tacloban City.

Walo pang provincial hospitals ang magiging benepisyaryo ng nasabing suporta kung saan tatlo rito ay mula sa probinsya ng Leyte, kabilang ang Leyte Provincial Hospital sa Palo, Immaculate Concepcion Hospital sa Baybay City, at Ormoc District Hospital sa Ormoc City.

Gayundin ang Salvacion Oppus Yñiguez Memorial Provincial Hospital sa Maasin City, Southern Leyte; Eastern Samar Provincial Hospital sa Borongan City; Northern Samar Provincial Hospital sa Catarman; Samar Provincial Hospital sa Catbalogan City; at Biliran Provincial Hospital sa Naval, Biliran.

Maliban pa sa  pagsasaayos ng healthcare facilities, gagamitin ang financial aid mula sa OP sa pagbili ng medical equipment, tulad ng computerized tomography (CT) scan machine, ultrasound machine, at laboratory equipment para sa iba’t ibang lokalidad sa Leyte kasama na ang mga bayan ng Mahaplag, Bato at Javier at ang syudad ng Baybay.

Leave a comment